Nasawi ang isang rider na 61-anyos matapos na makasalpukan ng minamaneho niyang motorsiklo ang isa pang motorsiklo sa gitna ng daan sa Urdaneta City, Pangasinan.

Sa ulat ni Zendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Cabaruan noong Linggo ng gabi.

Idineklarang dead on arrival ang biktima sa ospital dahil sa matinding pinsalang tinamo sa ulo.

Sugatan naman ang dalawang sakay sa nakabanggaan niyang motorsiklo na parehong dinala sa ospital.

Ayon sa awtoridad, pawang walang suot na helmet ang mga sangkot sa insidente.

“Siguro po hindi nila nakalkula yung daan nila kaya nagka-head on collision sila sa gitna ng kalsada,” ayon kay Police Captain Vladimir Lalas, investigation officer, Urdaneta City Police Station.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng nasawi at iba pang sangkot sa sakuna, ayon sa ulat.—FRJ GMA Integrated News