Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 10-taong gulang na babae na naputulan ng kamay matapos masabugan ng dart bomb mula sa isang binatilyo sa Santa Cruz, Maynila.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV na nagro-roller skate noon ang babaeng biktima at nagbabalanse sa bintana noong Enero 5.

Ilang saglit lang, nagpulasan ang mga batang naglalaro matapos sumabog ang paputok na dart bomb na nakakabit pala sa bintana.

Nasabugan ang batang babae.

“Nag-balance po siya sa may bintana na may paputok. ‘Yung klase ng paputok nu’n, ‘pag nahawakan mo lang is sasabog. Ngayon paghawak, pagsandal ng anak ko, biglang sumabog po. Tumalsik po ‘yung anak ko, nauntog ‘yung mukha. ‘Yung left hand niya, ‘yun ‘yung pinaka-damaged talaga,” sabi ng ama ng biktima.

Dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang batang babae na nakaligtas ngunit kinailangang putulin ang buong kaliwang kamay niya na naubusan ng daliri matapos ang pagsabog.

“Ang paliwanag sa akin ng attending physician, mabubulok lang daw, wala na raw natirang daliri. Mabubulok lang daw po kung hanggang sa mga daliri lang. Kailangan ilagpas daw ng pulso para malagyan din ng artificial hand, kung meron kaming pang-provide. Darating ang araw, para raw hindi masyadong ma-bully ‘yung bata, matukso,” sabi pa ng ama ng bata.

Dinala ang 14-anyos na lalaking naglagay umano ng paputok sa bintana sa Manila Reception and Action Center o RACS.

Nagharap sa barangay ang mga magulang ng biktima at ng suspek noong Enero 7 o dalawang araw matapos ang insidente.

“Nag-hearing naman po kami, ‘yung magulang naman po humihingi ng pasensya sa amin. Dahil 14 years old ‘yung bata, nai-turn over naman sa RACS, sa may city hall. Sa criminal case, hindi namin masasampahan. ‘Yung unang hearing namin puro sorry lang po, ‘Pasensiya na sa nangyari.’ Wala namang ibang in-offer, basta pasensiya, humihingi ng dispensa sa akin. Ako naman, very calm lang ako kasi ayoko namang sabayan ‘yung galit dahil sa legal kami umaasa,” ayon pa sa ama ng batang babae.

Ang ina ng binatilyong naglagay ng dart bomb, humingi naman ng tawad sa insidente.

“Humihingi po ako ng patawad sa magulang ng biktima. Kahit hindi sapat ang humingi ng tawad, hihingi sana po ako ng tawad sa kanila po. Kung may maitulong po kami, kung anong kaya namin,” sabi ng ina ng binatilyo.

Pinag-aaralan na ng mga magulang ng biktima ang mga legal na hakbang upang mapanagot ang binatilyo, kasama ang paghahain ng danyos.

Sa kabila ng aksidenteng nangyari, pinakamahirap sa pamilya ng batang babae na habambuhay niyang dadalhin ang kaniyang sinapit.

“Forever niya dadalhin 'yung putol ng kamay niya eh. 'Yung galit, nandu’n din po pero hindi ko magawang magalit kasi minor 'yung bata. Ang inaano ko na lang sir na 'yung matanggap ng anak ko, kasi may future 'yung anak ko sir eh, 10 years old yan eh. Active sa high school ‘yan eh. Ano man po 'yung makakabuti sa anak ko, ‘yun na lang 'yung pinagdarasal ko," sabi ng ama ng batang babae.

'Yung matanggap niya, 'yung nangyari sa kaniya, hindi siya ma-bully sa school, 'yung aksidente pero gusto ko may managot sana sir eh. Sa legal na paraan, ‘yun lang naman po bilang magulang. Kasi gabi-gabi mo makikita 'yung anak mo na umiiyak na gano'n, akala nga namin nababangungot sir eh,” dagdag pa niya. 

Ipina-blotter na rin ang magulang ng biktima sa kapulisan ang insidente. —Jamil Santos/AOL GMA Integrated News