Ilang Pokémon cards ang tinangay ng mga armadong kawatan mula sa isang tindahan sa New York, USA. Ayon sa pulisya, tinatayang $100,000 ang halaga ng mga tinangay na cards.

Sa ibinahaging larawan ng may-ari ng tindahan, makikita ang isang lalaking nakasuot ng itim na damit at may hood na tinututukan ng tila baril ang isang tao na nakaupo at nakataas ang mga kamay.

Ayon sa media sa US, nakakahalaga ang ilan sa mga card na ninakaw nang hanggang $5,500 ang bawat isa.

Ang mga Pokémon card ay nagpapakita ng mga “little monster” na patok sa mga bata, at maging sa mga nakatatanda na superfan at kolektor nito. Ilan sa mga inimprentang card ay nagkakahalaga ng milyong dolyar.

Kamakailan lang, nagkaroon din ng nakawan ng mga Pokémon card sa California na aabot naman sa $300,000 na halaga.

Ayon sa pulisya ng New York, nakatanggap sila ng ulat noong gabi ng Miyerkules na tatlong lalaki ang pumasok sa tindahan na The Poke Court sa Manhattan at naglabas ng baril at nagbanta sa mga tao na nasa loob.

"They then removed multiple merchandise and cash and a phone," ayon sa tagapagsalita.

Sinabi ni Courtney Chin, may-ari ng The Poke Court, sa isang video naka-post sa Instagram na ligtas ang lahat ng customer at empleyado. Nagsalita siya habang nasa harap ng mga basag na display case.

Ilan sa mga ninakaw na card ay nakalagay sa protective plastic cases na tinatawag na "slabs," na nagpapatotoo na authentic o tunay ang mga ito.

Kabilang sa mga ninakaw na cards ay kinabibilangan ng sikat na Pokémon character gaya ni Pikachu.

Ilan sa mga tao na nasa tindahan ay dumalo sa isang community event nang maganap ang pagnanakaw.

"This hobby should be a safe and welcoming place and while cardboard can be replaced, no one should ever have to go through this," saad sa IG ng may-ari ng shop.

Noong 2022, isang 1999 Pokémon Base Set Shadowless 1st Edition Holo Charizard ang naisubasta sa halagang $420,000 o mahigit P21 milyon sa PWCC March Premier Auction. — Agence France-Presse/FRJ GMA Integrated News