Naibigay na rin ang matagal nang nakabinbin na tig-P100,000 cash gifts ng apat na Aeta centenarian sa Capas, Tarlac.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing pinangunahan mismo ni National Commission Of Senior Citizens (NCSC) Chairperson at CEO Atty. Maria Merceditas Gutierrez ang pamamahagi sa apat na kuwalipikadong Aeta na mahigit 100-taon na ang edad.

Maliban sa cash gift, ibinigay din sa mga centenarian ang Presidential Felicitation Letter bilang pagkilala sa kanilang mahabang buhay at ambag sa komunidad.

Nilalayon ng pamimigay ng mga cash gift na maipahatid nang maayos at direkta ang benepisyo ng pamahalaan sa mga karapat-dapat na Aeta centenarians. Kasama na rin ang pagpapaliwanag sa tamang implementasyon ng programa sa ilalim ng Expanded Centenarians Act.

Matatandaan na iminungkahi kamakailan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, na isauli na lang sa kanila ang pamumuno sa programa dahil sa naantalang pagkakaloob ng naturang benepisyo sa mga katutubo. Ngunit mariin itong tinutulan ni Gutierrez dahil hindi naman sila nagkukulang sa kanilang tungkulin.

Sinabi ng NCSC na umaabot na sa higit P2.8 bilyon 96% ng pondo ang naipamahagi hanggang Disyembre 31, 2025.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News