Nasawi ang isang 23-anyos na negosyanteng naglalakad sa gilid ng kalsada matapos siyang salpukin ng isang Sports Utility Vehicle (SUV) na 21-anyos ang driver sa Cebu City. Ang suspek, may nauna na palang nabanggang sasakyan at hindi pa rin tumigil kahit may tao na siyang nadisgrasya.
Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang nahuli-cam na insidente sa Barangay Banilad noong hatinggabi ng Linggo.
Sa CCTV footage, makikita na tumilapon ang biktima at tumama sa kongkretong poste nang masalpok ng SUV. Nagtakbuhan naman ang mga tao papunta sa biktima para tulungan.
Ang SUV na nakabangga sa biktima, hindi tumigil at tumakas.
"May narinig akong malakas na pagsabog doon, tapos may lumabas na sasakyan na napakabilis ng takbo at hindi na huminto. Nang tingnan ko, may isang taong nakahandusay. Kaya nilapitan ko siya at nakita kong siya pala ang nabangga. Basag na ang kanyang ulo, may malubhang pinsala ito," ayon sa residenteng tumulong sa biktima.
Bago ang insidente, may isang nakaparadang sasakyan sa gilid ng daan ang nabangga na ang SUV na hindi rin nito hinintuan.
Sa pagtakas ng suspek sa nabangga niyang sasakyan, doon naman niya nasalpok ang biktimang negosyante.
Pero naaresto rin ang driver makaraang maaksidente muli ito at tumagilid.
Ayon sa mga saksi, lasing ang driver na suspek nang mangyari ang insidente. Gayunman, hindi naisailalim sa breathalyzer test ang suspek nang maaresto.
Pagkaraan ng 12 oras matapos ang iinsidente, isinagawa na sa suspek ang pagsusuri sa ospital kung nakainom niya pero nagnegatibo na siya sa alak.
Mahaharap ang suspek sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.
Naglabas na ang Land Transportation Office (LTO) sa Central Visayas, ng show cause order laban sa driver.
Sinuspinde na rin ng 90-araw ang kaniyang driver's license. – FRJ GMA Integrated News
