Mahaharap sa reklamong reckless driving ang isang tricycle driver dahil sa ginawa niyang “stunt” sa pagpapatakbo ng kaniyang sasakyan nang nakatagilid sa Taytay, Rizal. Bukod sa posible siyang mawalan ng lisensiya, posible ring madamay ang prangkisa ng tricycle.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News “Saksi” nitong Biyernes, sinabing nangyari ang nahuli-cam na insidente sa Manila East Road sa Taytay, Rizal.
Sa video, makikita ang driver na nagpapalipat-lipat ng linya sa kalsada habang patagilid na umaarangkada ang tricycle.
Humarap na ang driver sa Taytay Municipal Tricycle Franchising and Regulatory Office (TMTFRO), at idinahilan nito na maluwag noon ang kalsada habang pabalik siya sa pila ng mga tricycle o TODA.
Tinanggal sa TODA ang driver at pinag-aaral umanong tanggalan ng prangkisa ang tricycle.
“Mariing po nating kinukondena ang mga ganitong klase ng mga gawain sa mga lansangan natin. Lagi tayo nasa kalsada, hindi po natin para gawing playground ng mga kalsada natin,” ayon kay Atty. Dustin Regalado ng TMTFRO
Padadalhan naman ng show cause order ng Land Transportation Office (LTO) ang driver na mahaharap sa reklamong reckless driving.
“Kasi napaka-delikado po yung ginagawa niya, reckless yan. Maaari siyang madisgrasya o makadisgrasya. Kung halimbawang bigla siyang tumaob, tapos may sasakyan sa likod, nandadamay pa siya ng ibang tao,” paliwanag ni LTO Chief Markus Lacanilao.
Dahil dito, maaaring matanggalan umano ng lisensiya ang driver ng tricycle.
“Depende po sa grounds, sa lalim ng grounds ng kaniyang kakaharapin during the hearing kasi yung show cause order. Suspended muna yung license niya, tapos pahaharapin siya sa hearing para ipagbigay yung panig niya,” anang opisyal.
Aalamin din ng LTO kung nakarehistro ang tricycle.—FRJ GMA Integrated News
