Malungkot ang naging wakas sa paghahanap sa nawawalang biyuda sa Angeles City, Pampanga. Nitong Lunes ng hapon, nakita ang kaniyang bangkay sa isang hukay sa bakuran ng kaniyang bahay.
Ayon kay GMA Integrated News reporter James Agustin, natagpuan ang bangkay ni Maria Teresa “Tess” Mamac, biyuda ng dating kapitan ng Barangay Balibago sa Angeles City, batay sa impormasyon mula kay Police Col. Joselito Villarosa, Jr., City Director ng Angeles City Police Office.
Nakabaon umano ang katawan ng biktima sa isang kahina-hinalang hukay na may lalim na humigit-kumulang limang talampakan na nakita sa gilid ng piggery dakong 5:00 pm nitong Lunes.
Ayon kay Villarosa, isasailalim sa awtopsiya ang mga labi ng biktima para malaman ang ikinamatay nito.
Samantala, patuloy na hinahanap ng pulisya ang driver ng pamilya Mamac na itinuturing na person of interest sa kaso. Hindi pa malinaw sa ngayon ang motibo sa pamamaslang.
Sa isang ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing dakong 7:30 pm noong Pebrero 12 nang may madinig na tila sigaw ng babae sa CCTV footage sa loob ng bahay ng mga Mamac.
Ayon sa pamilya, ganoong oras din nang huling nakita ang driver nila na kasalukuyan pang hinahanap.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakitang umalis ng bahay ang puting sasakyan ng noong ding gabi ng Feb 12 at papunta umano sa bayan ng Mabalacat.
Kuwento ng isang anak ng biktima, natagpuan ang sasakyan na inabandona sa plaza ng bayan ng Magalang.
Samantala, may nakita namang mga bakas ng dugo sa pader, washing machine, gripo at wheelbarrow nang suriin ng mga awtoridad ang bahay ng biktima.
May P200,000 pabuya na inilaan sa sino mang makapagtuturo sa kinaroroonan ng biktima.—FRJ GMA Integrated News
