Patay sa ambush ang pamangkin ng alkalde ng Shariff Aguak sa Maguindanao na kamakailan lang ay tinambangan din pero nakaligtas kahit ginamitan pa ng RPG (Rocket-Propelled Grenade).

Batay sa report ng Maguindanao del Sur Police, nasawi ang pamangkin ni Shariff Aguak Mayor Adatu Akmad Mitra Ampatuan Sr., matapos na ratratin ng mga salarin ang sasakyan nito sa hangganan ng Barangay Kabengi at Barangay Salbu. Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur nitong Martes bago magtanghali.

Sugatan din ang dalawa pang tao, kabilang ang kapatid ng alkalde, na ama ng nasawi.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, isang puting minivan na walang plaka ang bumuntot at nagpaulan ng bala sa mga biktima.

Nagsagawa naman ng hot pursuit operation ang mga awtoridad para madakip ang mga salarin.

Matatandaan na tinambangan din noong Enero 25 ang alkalde pero nakaligtas kahit pa pinasabugan ng rocket-propelled grenade (RPG) ang kaniyang bullet-proof na sasakyan.

Sugatan ang dalawang security escorts ng alkalde sa insidente, at napatay naman sa hot pursuit operation ang mga suspek sa ambush. – FRJ GMA Integrated News