Inihayag ni Senador Robin Padilla na bukas siyang maging running mate ni Vice President Sara Duterte sa 2028 national elections kapag inutos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ang posisyon ng pangalawang pangulo, sinabi ng senador na kayang-kaya niya.

Ayon kay Padilla, utang niya sa dating pangulo ang kaniyang political career kaya susundin direksyon na ituturo ni Duterte sa 2028 elections.

“Eh ‘pag utos ni Digong. Walang puwedeng mag-utos sa akin kahit sino, si Digong lang. Kasi ayaw ko talaga ng pulitika… Basta sinabi ni Digong, susunod ako,” sabi ni Padilla sa Zoom interview nang tanungin sa posibilidad ng Sara Duterte-Padilla tandem sa 2028. 

Gayunman, muli pa ring itinulak ni Padilla ang kaniyang mungkahi na si Sen. Imee Marcos ang dapat na maging running mate ni VP Duterte, bilang “most senior member” umano ng tinatawag na Duterte bloc sa Senate. 

“Bago mapunta sa akin ‘yan, siyempre uunahin natin ang mga tunay na politiko na talaga. Una diyan ay si Manang Imee Marcos, pangalawa ay si Senator Alan Cayetano, susunod ay si Senator Bong Go, ang susunod diyan ay si Senator Bato [dela Rosa]. Merong hierarchy ‘yan eh, hindi pupuwedeng na ako kaagad kasi ako'y bago lang dito sa pulitika,” paliwanag niya

Ngunit tiniyak naman ni Padilla na handa siyang magsilbi sa mas mataas na posisyon kung sakaling tumakbo siyang bise presidente at manalo sa 2028.

“Pinanganak po tayong ready. Lalo na ‘yan, para sa akin ang vice president, hindi masyadong ano ‘yan… Puro advocacy lang ‘yan eh. Parang ikaw ang spare tire, di’ba? Kayang kaya ‘yan,” giit niya.

Nitong Miyerkules, inihayag ni VP Duterte ang plano niyang tumakbong pangulo sa 2028 elections.-- Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News