Nagsagawa ng air strikes ang United States at Israel noong Pebrero 28, 2026 laban sa Iran. Bakit nga ba ito nangyari?
Sa naturang mga pag-atake—na kabilang sa pinuntirya ang kabisera na Tehran—kasama sa mga nasawi ang Iranian leader na si Ayatollah Ali Khamenei, kasama ang kaniyang anak, manugang, at apo.
Ngunit bakit nga ba ginawa ng US and Israel ang pagsalakay sa Iran?
Ayon kay US President Donald Trump, layunin ng mga pag-atake na “major combat operations” na wasakin ang missile capabilities ng Iran at pabagsakin ang naval force nito.
Gumanti naman ang Iran sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga missile strike at tinarget ang Israel at ang mga base militar ng US sa Bahrain, Kuwait, Qatar, at United Arab Emirates.
Ayon sa ulat ng state media ng Iran, hindi bababa sa 200 katao ang nasawi at mahigit 700 ang nasugatan sa magkabilang panig sa nangyaring mga pag-atake.
Iginiit ng US at Israel na matagal nang banta sa kanilang seguridad ang mga aktibidad ng Iran sa nuclear enrichment at missile program.
“The United States military is undertaking a massive and ongoing operation to prevent this very wicked, radical dictatorship from threatening America and our core national security interests. We’re going to destroy their missiles and raze their missile industry to the ground,” ayon kay Trump.
Nauna nang itinanggi ng pamahalaan ng Iran noong nakaraang taon na may plano itong gumawa ng nuclear bomb.
“I hereby declare once more before this Assembly that Iran has never sought and will never seek to build a nuclear bomb,” ayon kay Iran President Masoud Pezeshkian.
Nangyari ang mga pag-atake sa gitna ng negosasyon sa pagitan ng US at Iran hinggil sa programang nukleyar at ballistic missile ng Tehran.
Bago ang mga pag-atake ng US at Israel, katatapos lamang noong Pebrero 26 sa Geneva ang ikatlong round ng usapang nukleyar ng dalawang bansa.
Ayon sa pamahalaan ng Oman, na nagsilbing tagapamagitan, nakapagtala ng “significant progress” sa magkabilang panig matapos ang pagpupulong. Gayunman, wala pang pormal na kasunduan sa magkabilang panig.
Nakatakda sanang ipagpatuloy ang negosasyon sa isang pulong sa Vienna sa susunod na linggo.
12-Day War
Nag-ugat ang mga operasyon ng US at Israel sa nangyaring bakbakan noong Hunyo 2025 na tinaguriang “12-Day War.”
Noong Hunyo 13, 2025, naglunsad ang Israel ng malawakang air strike laban sa mga pasilidad nukleyar at militar ng Iran.
Tumugon naman ang Iran sa pamamagitan ng ballistic missiles at mahigit 100 drone na tumarget sa iba’t ibang bahagi ng Israel.
Natapos ang palitan ng mga pag-atake makalipas ang 12 araw batay sa kasunduang nabuo sa pamamagitan ng US.
Batay sa datos ng pamahalaan ng Iran, 610 katao ang nasawi sa mga pag-atake. Sa panig naman ng Israel, 28 ang naitalang nasawi.
Nagpahayag ng pagkadismaya si Oman Foreign Minister Badr Albusaidi ginawang pag-atake ng US at Israel laban sa Iran, at sinabing pinahina nito ang kasalukuyang negosasyon ng dalawang bansa.
Samantala, sinabi ng European Union foreign policy chief na si Kaja Kallas, na mapanganib ang kasalukuyang sitwasyon na dapat igalang ang international law at protektahan ang mga sibilyan.
Nagbabala rin si French President Emmanuel Macron na magkakaroon ng matinding epekto sa pandaigdigang kapayapaan at seguridad ang umiigting na tensyon sa pagitan ng US, Israel, at Iran.
Sa US, kinuwestiyon ng Democratic Party ang mga pag-atake laban sa Iran, at sinabing hindi humingi si Trump ng pahintulot ng Kongreso bago magsagawa ng opensiba. Tila hindi umano natuto ang administrasyon sa nabigong intervention ng US sa Gitnang Silangan.
Nagbabala rin si US Senator Mark Warner na maaaring inuulit ng US ang pagkakamali nito noong digmaan laban sa Iraq sa ilalim ng administrasyon ni George W. Bush.
“The American people have seen this playbook before - claims of urgency, misrepresented intelligence, and military action that pulls the United States into regime change and prolonged, costly nation-building,” ayon kay Warner.
Samantala, suportado naman ng karamihan ng mga Republican ang naturang hakbang ni Trump upang harapin ang banta ng Iran at protektahan ang interes ng US sa rehiyon.
“Despite the dogged efforts of the president and his administration, the Iranian regime has refused the diplomatic off-ramps that would peacefully resolve these national security concerns,” ayon kay US Senate Majority Leader John Thune.
Matapos ang pagkamatay ng pinakamataas na lider ng Iran, sinabi ni Trump na magpapatuloy pa rin ang mga pag-atake ng US at Israel.
“The heavy and pinpoint bombing, however, will continue, uninterrupted throughout the week or, as long as necessary to achieve our objective of peace throughout the Middle East and, indeed, the world,” ayon kay Trump.
Ayon sa think-tank na Council on Foreign Relations, ang pagkamatay ni Khamenei ay hindi nangangahulugan ng agarang pagbabago sa Iran.
“Taking out Iranian Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei is not the same as regime change. The Islamic Revolutionary Guard Corps in the regime,” sabi ng Council on Foreign Relations.
Sa isang pahayag, sinabi ni Pezeshkian na ipaghihiganti nila ang pagkamatay ni Khamenei.
“The most ferocious offensive operation in the history of the Islamic Republic of Iran’s armed forces will begin any moment now,” ayon sa Islamic Revolutionary Guards Corps (IRGC).
Sa ulat ng Reuters, nakakuha ang US Central Intelligence Agency ng impormasyon na maaaring magmula sa IRGC ang susunod na supreme leader ng Iran. – FRJ GMA Integrated News
