Pinaghahanap ang isang lalaki matapos siyang makunang binaril sa batok ang isa pang lalaki na dati niyang karelasyon sa Lucena, Quezon.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV ang pagtingin sa mga damit ng biktimang lalaki, nang magtungo sa kaniyang likuran ang isa pang lalaki.

Ilang saglit lang, biglang bumunot ng baril ang lalaki at ipinutok ito sa batok ng biktima kaya ito bumulagta.

Tila nabalisa pa ang lalaking namaril bago tumakas.

Batay sa pulisya, naging magkarelasyon ang biktima at suspek. Naghiganti umano ang suspek nang hiwalayan siya ng biktima.

“Before the incident, nag-iwan po ng mensahe itong suspek natin sa kaniyang mga magulang at mga kapatid. Sa kaniyang palagay, ang kanilang paghihiwalay ay natural lang sa biktima, samantalang siya ay nagsa-suffer despite ng kaniyang mga effort na ibinigay, kagaya ng oras, pagmamahal, at kasama na rin ang pinansyal,” sabi ni Police Captain Phillip Hernandez, chief investigator ng Lucena City Police.

Kasalukuyang tinutugis ang suspek, na nahaharap sa reklamong murder.

Isusuko naman ng pamilya ang suspek kapag nakausap na nila ito. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News