Nasawi ang isang lalaking rider matapos bumangga na bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang nakatigil na kotse sa gilid ng daan, at saka nagulungan ng kasabay nitong truck na bumibiyahe sa Pasay City.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay 192, kanilang madaling araw.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang puting kotse na tumigil sa bahagi ng bike lane. Hindi nagtagal halos magkasabay naman na dumating ang motorisklo ng minamaneho ng biktima, at ang isang truck.

Hanggang sa bumangga na ang motorsiklo sa likod ng kotse na dahilan para matumba ito, at nagulungan ng truck ang rider na kaagad na nasawi.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng biktima, ganundin ang driver ng truck.

Ayon naman sa driver ng kotse, nagulat na lang siya nang biglang bumangga sa likod ng kaniyang sasakyan ang rider.

Parehong dinala sa himpilan ng pulisya ang driver ng truck at kotse para imbestigahan. -- FRJ GMA Integrated News