Itinanggi ng Bureau of Corrections (BuCor) ngayong Miyerkoles ang alegasyon na may scabies o galis outbreak sa persons deprived of liberty (PDLs) na nakadetine sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinglupa o ano mang piitan at penal farm sa bansa.
Ginawa ng BuCor ang pahayag matapos hilingin ng political prisoner group na Kapatid sa BuCor na payagan ang madaling paghahatid ng mga gamot at sanitation campaign sa mga PDL.
Base umano sa pinakahuling pagbisita ng Kapatid, “skin infections appear to be spreading quickly” sa Reception and Diagnostic Center sa NBP sa harap ng matinding overcrowding at kakulangan umano ng tubig sa piitan.
Ngunit ayon kay BuCor Acting Director for Health and Welfare Services Ma. Cecilia Villanueva, dalawang taon na ang nakalilipas nang makapagtala ng scabies outbreak.
Sinabi pa ni Villanueva na katuwang ng BuCor ang International Committee ng Red Cross, sa paglulunsad noong “alis galis” activity.
Idinagdag din ni Villanueva na may sinusunod silang protocol sa pagtanggap ng mga gamot.
“The Bucor assured both the public and the families of persons deprived of liberty that it can respond effectively to any health-related issues that may arise inside the correction facilities,” saad ng BuCor sa pahayag.
Ayon sa Kapatid, sumulat din sila sa Department of Justice (DOJ) upang hilingin ang mabilis na aksyon sa naturang usapin.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang komento ng DOJ tungkol sa isyu. — Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News

