Kalunos-lunos ang sinapit ng dalawang aso matapos silang hatawin ng baseball bat ng isang lalaking matadero sa Tondo, Maynila. Ang isa sa mga aso, patay.
Ang motibo ng pamamalo, ang pagdumi at pag-ihi ng iba’t ibang hayop sa harap ng bahay ng lalaki.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing wala nang ibang nagawa ang 11-anyos na si “Shane,” hindi niya tunay na pangalan, kundi mapahagulgol matapos makitang patay na ang kanilang asong si White.
Mapanonood sa CCTV pasado 11 a.m. nitong Marso 11 ang lalaki na lumalapit sa dalawang aso na nakahiga sa eskinita sa Barangay 103.
Hindi na gaanong nakunan pero una niyang hinataw ang asong si White. Matapos nito, makikitang hinampas niya naman sa batok ang isa pang aso na si Bruno.
Nangisay pa si Bruno bago tumakbo papasok sa kanilang bahay ngunit si White, agad na namatay.
Sinabi ng ina ni Shane na nag-iwan ito ng matinding trauma sa kanilang anak lalo’t pitong taon na nilang kasama at itinuturing na pamilya si White. Buntis din umano ang naturang aso.
“Kasi 'yung anak ko po PWD po ‘yun, mute and deaf. Kapag ‘di namin pinapalabas 'yung anak ko, 'yun lang ang kalaro niya po. Sabi po sa amin, iba 'yung sa kaniya, ipa-psychiatrist namin kung anong level ba 'yung natamo niyang trauma,” sabi ni Joline, may-ari ng aso.
Community dog umano ang kanilang mga aso kaya nakasanayan na ng mga kapitbahay na nakikitang pagala-gala ang mga ito.
Nagkataon ding nasa outing umano ang pamilya nila nang mangyari ang insidente.
“Puwede namang sabihin, puwede ninyo naman kaming ipatawag, puwede namang pag-usapan po ‘yun. Hindi naman po talagang bigla na lang niya hahatawin 'yung dalawang aso. Lalo't wala po 'yung mga owner,” sabi pa ni Joline.
“Kaya po 'yan lumalabas kasi, tinatawag po 'yan ng mga kapitbahay namin para, ‘Bruno, kain,’ ‘White, kain na kayo.’ Pagkakita po namin sa picture, lumabas po 'yung dugo niya sa tenga,” sabi pa ni Joline.
Nakapag-blotter na sa barangay ang pamilya ni Joline laban sa lalaki, nakapagsampa ng kaukulang reklamo sa pulisya at sa Philippine Animal Welfare Society o PAWS.
“Kailangan po namin ng tulong ninyo dahil may pera po 'yung kalaban namin. At hindi namin alam kung hanggang saan kami aarok na ipaglaban 'yung kaso kasi nga handa rin silang maglabas ng pera. Ang gusto ko lang po, hustisya,” sabi ng asawa ni Joline.
“Hindi naman natin po puwedeng hatawin na basta-basta. May buhay din naman ‘yan,” sabi ni Kagawad Nestor Bautista ng Barangay 103, Tondo, Maynila.
Hinihintay pa ng GMA Integrated News ang opisyal na pahayag ng PAWS sa insidente.
Una namang inalmahan ng Home for Abused and Stray Animals o HASA ang insidente at sinabing tutulong sila sa kaso.
Sinisikap din ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng lalaki.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
