Inaasahang darating sa Lunes, March 23, 2026 ang 343 Pilipino na nagpatulong makauwi sa Pilipinas mula sa Middle East. Samantala, nakauwi na rin sa bansa ang 25 Pinoy na galing naman sa Israel.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), ligtas na nauwi sa Pilipinas nitong Sabado ng gabi mula sa Israel ang 24 Overseas Filipino Workers (OFWs) at isang bata.

Inihayag din ng DMW na nakatanggap din ng financial at medical assistance mula sa kagawaran at Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA), ang mga umuwing OFW.

Inalalayan din sila sa kanilang tinuluyan at masasakyan pauwi sa kani-kanilang lalawigan.

Kaugnay nito, inanunsyo ng OWWA na nakatakdang dumating sa Pilipinas ngayong Lunes, mula sa Riyadh, Saudi Arabia ang kabuuang 343 Pilipino (317 OFWs at 26 dependents).

Pinangunahan umano ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan ang pag-asikaso sa mga Pinoy na uuwi ng Pilipinas na nagmula sa Kuwait, Bahrain, Qatar, at iba’t ibang bahagi ng Saudi Arabia, at sama-samang naglakbay patungong Riyadh.

Isasakay umano ang mga Pinoy sa OWWA-chartered flight ng Philippine Airlines PR8502.

“Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng DFA, DMW-MWO, at OWWA—katuwang ang Rapid Response Team—naisakatuparan ang kanilang ligtas na pagdaan sa iba’t ibang land border crossings hanggang sa kanilang pagdating sa mga hotel na nagsilbing pansamantalang matutuluyan habang hinihintay ang kanilang pag-uwi,” saad sa pahayag ng OWWA. – FRJ GMA Integrated News