Nauwi sa trahediya ang masayang outing ng anim na magkakapitbahay matapos mabangga ng isang pickup truck ang sinasakyang tricycle ng mga biktima sa San Fabian, Pangasinan.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing pauwi na sa bayan ng Mangaldan ang mga biktima matapos manggaling sa isang beach sa San Fabian, nang mangyari ang sakuna.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nag-overtake umano ang pick-up truck sa isa pang sasakyan pero hindi nito napansin ang tricycle na sinasakyan ng mga biktima sa tabi niya.

Nabangga at nakaladkad ng pickup truck ang tricycle ng ilang metro ang layo. Nagresulta ito sa pagkasawi ng tatlong biktima, at nasugatan ang tatlong iba pa, kasama ang driver ng tricycle, na nagpapagaling pa sa ospital.

Nasa kustodiya ng pulisya ang 25-anyos na driver ng pickup na tumangging magbigay ng pahayag.

Hinihinala rin na nakainom ang pickup truck driver nang mangyari ang insidente.

Nagkausap na umano ang mga kaanak ng mga biktima at driver ng pickup. – FRJ GMA News