Isang mag-asawa ang patay matapos silang pagbabarilin ng nakaalitan nilang presidente ng homeowners association dahil umano sa away sa lupa sa Barangay 167-Llano, Caloocan. Depensa naman ng lalaking suspek, hindi niya binaril ang mga biktima at hindi siya nang-agaw ng lupa.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nadatnan ng mga awtoridad na duguan at nakahandusay ang 45-anyos na lalaki at 50-anyos niyang misis hapon ng Linggo.

“Nag-aaway-away po sila sa mga parcel ng lands po roon. Itong excess sa lot na ‘to is mga rights lang ‘to and 'yung suspect natin is, accordingly, presidente ng homeowners association po. Parang gustong kunin 'yung lupa ng mga biktima. At doon nga po sila nagkaroon ng sagutan at pinagbabaril niya po 'yung mag-asawa po,” sabi ni Police Colonel Joey Templora Goforth, chief ng Caloocan Police.

Maririnig sa CCTV ang ilang putok ng baril at sigawan ng mga tao sa lugar.

Makaraaan ang ilang sandali, makikitang naglalakad ang gunman hawak ang ginamit na baril, at may kasamang dalawang babae at isang lalaki habang palayo sa crime scene.

Sinabi ng anak ng mga biktima na lasing umano ang gunman, na nanugod at nag-umpisa ng away sa kanilang lugar.

Ilang beses din umanong nagbanta ang suspek sa pamilya ng mga biktima.

“Nagbitaw po siya ng salitang, ‘Tama ‘yan, bantayan niyo ang mga lote niyo, baka mawala.' Doon na po nagsimula 'yung sagutan nila ng mother ko. Tapos inulit-ulit niya po ‘yung pagpapaputok sa mga magulang ko. Naitumba na niya ‘yung tatay ko eh. Pinagpuputukan din po kasi nga ‘yung mother ko. Napakahayop po kasi ng ginawa niya. Hindi na po makatao, napakademonyo na po,” sabi ni Maynor Abonitalla, anak ng nasawing biktima.

Tinangka pang pigilan ng isa sa mga nakasaksing kapitbahay ang pagtatalo bago maganap ang malapitang pamamaril.

“Pero hindi po nakinig 'yung gunman. Ang ginawa po niya, kinuha po niya 'yung baril tapos tinutok niya po agad sa leeg ng aking tiyuhin. 'Yung babae tinamaan po rito sa kabilang right ng dibdib. Ngayon, tumayo pa po 'yung biktima, binaril pa po ulit,” sabi ni Luz Notarte, saksi.

Pinagtulungang buhatin ang mga biktima.

Nadakip ang 64-anyos na suspek sa follow-up operation ng Caloocan Police.

Narekober sa kanya ang .45 pistol at ginamit na motorsiklo sa pagtakas.

Sinabi ng suspek na kasama niya ang kaniyang secretary, kapatid na lalaki, at asawa niya nang maganap ang krimen.

Mariin niyang itinanggi ang pamamaril.

Ayon sa kaniya, nagkaagawan sila ng baril ng mga biktima. Itinanggi rin niyang lasing siya at wala rin umano siyang inaagaw na lupa sa mga biktima.

“Hindi ko inagaw ‘yun dahil ako ang presidente nila. Sila itong benta nang benta ng rights. 'Yung tao na ‘yun, nahablot 'yung baril sa baywang ko. Nag-agawan kaming ganoon. Unang putok tumama roon sa babae. Nakakalungkot mang isipin. Ano talaga, sobrang ipinagdaramdam ko rin dahil buhay ‘yung nawala,” sabi ng suspek.

Nakadetene ang suspek sa custodial facility ng Caloocan Police at nahaharap sa reklamong two counts of murder. —Jamil Santos/VBL GMA News