Hindi inirerekomenda ng World Health Organization (WHO) ang paggamit ng electric fan sa lugar na kulob at matindi ang init. Tinatawag ng mga eksperto na “oven effect” kapag walang nilalabasan ng init sa loob ng kuwarto.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing mainit na rin ang hangin na ibubuga ng electric fan kung mainit na ang temperatura. Sa ganitong sitwasyon, lalo lang umanong palalalain ang init na nararamdaman ng katawan.
Maliban sa mainit na panahon, makakadagdag pa sa init ang kuryenteng kinukunsumo ng mga gamit sa bahay gaya ng electric fan.
“Kung ang temperature naman po natin is umabot na po siya ng 35 degrees pataas, wala na din po itong saysay dahil pinapaikot lang niya po yung 35 degrees. Mas lalo niyang itututok ang init papunta sa katawan natin,” ayon sa professional mechanical engineer na si Ian Willien Mamaril.
Sa ganitong sitwasyon, maaari umanong makaranas ng dehydration ang tao.
Upang maibsan ang init ng katawan, ipinapayo ng Department of Health (DOH) na uminom ng tubig at maging hydrated.
“Uminom na lang tayo ng tubig. Walo hanggang sampung baso. At kapag pawisan tayo, lalamig ang katawan natin,” ayon kay DOH Spokesperson Undersecretary Albert Domingo.
Kaya naman mahalaga raw na may bukas na bintana o lugar na puwedeng daanan o pagsingawan ang init sa loob ng kuwarto o bahay upang hindi maipon sa loob.
Posible rin umanong masira ang electric fan kung ginagamit na sobrang init at hindi napapahinga ang gamit.--Jiselle Anne C. Casucian/FRJ GMA News
