Tatlong buwan na mistulang “walang tulugan” ang araw sa Utqiagvik, Alaska sa Amerika. Sa phenomenon na ito na tinatawag na “midnight sun,” hindi lumulubog ang araw sa loob ng 84 na araw.

Sa isang ulat ni Kim Atienza sa GMA News 24 Oras, ibinahagi ng Pinoy na si William Reyes Ditona, ang kaniyang naging karanasan sa naturang panahon ng pag-iral ng midnight sun.

"Twenty-four hours nga, walang gabi rito. Na-shock ako. Kahit midnight na, lumalabas kami para makita 'yung liwanag sa labas," sabi ni William na mahigit 10 taon nang naninirahan sa Alaska.

"Minsan nakakalimutan namin na gabi na pala. Magugulat ka ngayon, kailangan ko na matulog dahil may pasok ako bukas," dagdag niya.

Ayon kay William, gumawa sila ng mga paraan para makatulog nang maayos kahit maliwanag. Kabilang dito ang paglalagay ng makakapal na kurtina sa mga bintana at tatakpan ng karton ang mga salamin.

"'Yung pamumuhay namin masaya naman. Nasanay na rin kami," sambit niya.

Ayon kay Kuya Kim, nangyari ang huling paglubog ng araw sa lugar noong Mayo 10, at hindi na ito muling lulubog hanggang Agosto 2.

Nangyayari umano ang midnight sun dahil ang axis ng mundo ay nakatagilid ng 23.5 degrees habang umiikot ito sa araw. Sa panahon ng tag-init sa hilagang bahagi ng mundo, nakaharap ang North Pole sa araw.

At dahil nasa loob ng Arctic Circle ang Utqiagvik, hindi tuluyang nawawala ang araw sa horizon kaya nananatili itong nakikita kahit gabi na.

Samantala, kabaligtaran naman ang nangyayari tuwing taglamig. Hindi nakaharap ang North Pole sa araw kaya hindi sumisikat ang araw sa loob ng ilang linggo, isang phenomenon na tinatawag naman na polar night. —FRJ GMA News