Sa halip na clearance, arrest warrant ang natanggap ng isang lalaki na nagtungo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Iligan City nang mabisto na wanted siya sa kasong rape at 15 taon na siyang hinahanap.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Lunes, napag-alaman ng NBI na nagtungo ang suspek sa NBI-Iligan District Office upang kumuha ng clearance. Pero nang magsagawa ng pagsusuri, nadiskubre na mayroon siyang derogatory record kaugnay ng kasong rape at may nakalagay na kaniyang “wanted.”
Natuklasan ang kaniyang kaso sa isinagawang standard quality control, verification, at evaluation.
Sinabi ng NBI na tumugma ang mga detalye sa record, kabilang ang pangalan, criminal case number, mga kasong isinampa, korte na naglabas ng warrant, at address na nakasaad sa warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court, Branch 80
Ayon pa sa NBI, inamin ng lalaki na mayroon siyang kaso pero inakala umano niyang naayos na ito.
Kaya naman sa halip na clearance, arrest warrant ang isinilbi sa kaniya ng mga tauhan ng NBI.
Isinailalim siya sa kustodiya ng NBI-ILDO habang hinihintay ang commitment proceedings at iba pang kautusan mula sa korte.
“This successful operation underscores the vital role and effectiveness of the NBI Clearance System as a significant law enforcement mechanism in the administration of justice and the maintenance of public safety,” ayon sa NBI. -- FRJ GMA News

