Umanib na ang regional political group ni Vice President Sara Duterte na Hugpong ng Pagbabago (HNP) sa Reform Alliance for Accountability, Good Governance, and Ethics (RAGE) coalition.
Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing matapos ilunsad sa Luzon at Visayas, pinalawak ng RAGE coalition ang presensya nito sa Mindanao sa pag-anib ng HNP bilang bagong kaalyado.
Hindi nakadalo si Duterte sa pagtitipon pero may kinatawan ang HNP na dumalo para sa kanya.
Nilagdaan ng lead convenor ng koalisyon na si Davao City Mayor Sebastian Duterte, kasama sina dating House Speaker Pantaleon Alvarez ng Partido Reporma at dating Congressman Mike Defensor ng Reform PH, ang Memorandum Of Agreement, kasama ang HNP na kinatawan ni Davao del Norte Board Member Al David Uy, at ang MILF United Bangsamoro Justice Party (UBJP) na kinatawan ni Pahamuddin SGA-BARMM Mayor Yasser Ebrahim.
Patuloy na isinusulong ng koalisyon ang kanilang adbokasiya laban sa korapsyon at maling paggamit ng pondo ng bayan, mabagal na ekonomiya, mga banta sa demokratikong institusyon, at pang-aabuso sa kapangyarihan ng gobyerno. Isinusulong din nila ang transparency, accountability, at responsableng pamumuno.
“Tayo ay kikilos na para kay VP Inday Sara Duterte. Tayong lahat nandito dahil hindi tayo susuko. At hinding hindi natin tatanggapin ang ginagawa ng administrasyon ngayon. So, sisimulan na natin ngayon palang na mailagay natin si VP Inday Sara Duterte sa 2028 bilang Pangulo ng Pilipinas,” ayon kay Mayor Duterte.
Sa kaniyang mensahe, binatikos ng alkalde ng Davao City ang kasalukuyang administrasyon at sinabing muling lumalala ang korapsyon at kriminalidad kumpara noong panahon ng nakaraang administrasyong Duterte.
Tinuligsa rin niya ang umano’y pagsupil sa mga kritiko ng gobyerno at inihalintulad ito sa batas militar kahit wala umanong pormal na deklarasyon.
“You know tama si Mike, this is not even a silent Martial Law. It is Martial Law without declaring it formally. Ang dami ng nakukulong, may mga kaso and for what because they opposed the actions of the administration, why is that so wrong,” ayon sa alkalde.—FRJ GMA News

