Bugbog ang inabot ng dalawang lalaki matapos nilang tangkaing dukutin umano ang isang senior citizen sa Datu Piang, Maguindanao del Sur.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood ang video ng galit na pagdumog ng mga residente sa mga suspek matapos madakip ng pulisya sa Barangay Buayan.
Lumabas sa imbestigasyon na tumigil sa gilid ng kalsada ang nakamotorsiklong 63-anyos na biktima para may sagutin sa kaniyang cellphone.
Hanggang sa biglang may tumigil na kotse sa kaniyang tabi, bumaba ang mga sakay nito at sapilitang binuhat ang biktima papasok ng sasakyan.
Ngunit nagpumiglas at nakawala ang biktima, at nakahingi ng tulong sa mga residente.
Mahaharap sa kaukulang reklamo ang mga suspek, na walang pahayag. Patuloy na inaalam ang motibo sa krimen.-- Jamil Santos/FRJ GMA News
