Isang lalaki ang nasawi matapos siyang gilitan at saksakin ng kaniyang kumpare na dati na niyang nakaaway, habang naka-Facebook Live sa Barangay San Isidro, Parañaque. Ang suspek, arestado.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood ang Facebook Live ng lalaking biktima habang naglalaba sa labas ng kaniyang tinutuluyan hapon ng Mayo 28.
Makaraan ang ilang minuto, dumating ang isang lalaki at bigla na lamang siyang ginilitan.
Ilang ulit ding inundayan ng saksak sa tagiliran ang lalaki, na sinusubukan namang umilag.
Mapanonood sa video na nalaglag ang patalim ng salarin, pero may binunot siyang isa pang patalim mula sa tagiliran at muling pinagsasaksak ang biktima saka tumakas.
Nakatayo at nakapaglakad pa ang biktima bago humandusay.
Sinabi ng pinsan ng biktima na napanood niya ang sinapit ng kaniyang kaanak sa Facebook Live.
“Pagtingin namin sa Live sir, doon talaga namin nakita. Sobrang sakit. Wala siyang awa noong sinaksak ‘yung pinsan ko. Hindi talaga namin matanggap sir,” sabi ng pinsan ng biktima.
Nakaburol na ang biktima.
Patuloy na hinihintay ang opisyal na autopsy report ngunit sinabi ng mga doktor na nakausap ng pamilya ng biktima, ang saksak sa tagiliran na tumagos sa puso ang kaniyang posibleng ikinamatay.
Nahanap ang 34-anyos na suspek sa Barangay Singkamas sa Makati City nitong Lunes matapos ikinasa ang hot pursuit operation ng Parañaque Police.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na magkumpare ang suspek at ang biktima at dati na silang may alitan.
“Bago mag-New Year ng 2024, nagkapang-abot na ito. Kasi magkapitbahay ito eh. So malamang nagkakaparinigan at may mga, 'yung insidente hindi pa rin naayos. May isang kutsilyo na na-recover doon sa scene at yun din ang nakita ng mga witness na gamit na pansaksak nito,” sabi ni Police Colonel Nicolas Piñon, Chief of Police ng Parañaque CPS.
Wala pang ibinibigay na opisyal na pahayag ang suspek, habang blangko naman sa dahilan ng krimen ang kaanak niya.
Humihingi ng patawad ang kaanak ng suspek sa pamilyang naulila ng biktima at handa silang makipagtulungan.
“Handa naman po kaming magbigay kung ano pong makakayanan namin. Nakikiramay po kami kasi kilala naman po namin 'yung tao. Kumontak siya sa akin para sabihin na susuko siya,” sabi ng kaanak ng suspek.
Nasa kustodiya na ng Parañaque City Police Station ang suspek na mahaharap sa reklamong murder. — Jamil Santos/VBL GMA News
