Inaprubahan na sa Kamara de Representantes ang House Bill 8389 o Anti-Political Dynasty Bill. Ito ang kauna-unahang panukala na pumasa sa kapulungan tungkol sa political dynasty na mula sa 17 bersiyon ng panukala na pinagsama-sama. Sinu-sino nga ba sa pamilya ng politiko ang masasaklaw nito? Alamin.
Batay sa House Bill 8389, ipagbabawal ang sabay na paghawak ng halal na puwesto sa gobyerno. Saklaw nito ang mga mag-asawa, mag-ina o mag-ama, magkakapatid, at mag-lolo o mag-lola, pati na rin ang mga magulang, kapatid at lolo at lola ng asawa ng isang nahalal na public official.
Maituturing na political dynasty relationship ang, "Whether legitimate or illegitimate, full or half-blood," basta pasok sa second degree of consanguinity o affinity.
Gayunman, hindi kasama sa mga ipinagbabawal ang sabay na paghawak ng posisyon ng mga magpipinsan, magtiyuhin o magtiyahin dahil hanggang second degree of consanguinity or affinity lang ang sakop ng panukalang batas.
Nangangahulugan nitong puwede pa rin kung pinsan ng mayor ang vice mayor sa isang lugar, o kung tiyuhin ng vice governor ang nakaupong governor.
Inilahad ni Prof. Jean Encinas-Franco ng UP Department of Political Science, hindi masasabing mahigpit ang pagbabawal sa political dynasties kung hanggang second degree lang ang ipinagbabawal ng panukalang batas.
"Ang konsepto ng pamilya sa Pilipinas ay may kinalaman din doon 'yung extended family. Kadalasan, sa mga Pilipino, 'pag sinabing pamilya, although meron tayong tinatawag na immediate family, itinuturing din natin na kapamilya 'yung mga pinsan at tiyuhin natin 'no? 'Yung members ng isang clan kumbaga. So hindi mo rin talaga masasabing malawakang ipinagbabawal itong kapapasang panukala sa House of Representatives 'yung political dynasty kung hanggang dito lang ang kanilang panuntunan," paliwanag niya.
Batay sa Section 5 ng Anti-Political Dynasty Bill, binabawalan ang mga magkakamag-anak hanggang second degree of consanguinity or affinity ang sabay na paghawak ng national position, sabay na paghawak ng posisyon sa Kamara, "with the same legislative district", sabay na paghawak ng anumang halal na posisyon sa provincial government, at sabay na paghawak ng anumang halal na posisyon sa kagayang lungsod o munisipyo.
Kung tuluyang maging batas ang panukala, hindi maaaring maging sabay na maging senador ang mag-asawa, magkapatid, mag-ina o mag-ama, at mag-lolo o mag-lola.
Hindi rin sila pahihintulutan sa kagayang termino ng governor at vice governor.
Kagaya nito ang kaso para sa mga mayor, vice mayor at konsehal.
Ayon pa kay Encincas-Franco, maliit ang epekto nito dahil limitado lang din ang mga posisyong maaaring hawakan sa bawat antas ng gobyerno.
"Napakaliit ng impact noon. Ang seryosong political dynasty bill ay dapat putulin ang patuloy na pagdagdag, pagdami ng political families na namumuno sa bansa,” pahayag niya.
Dulot ng magkakahiwalay na pagkakalatag ng pagbabawal sa mga posisyon sa gobyerno, pahihintulutan pa rin sa ilalim ng panukalang batas kung magkakasabay ang pag-upo ng magkakamag-anak na opisyal hangga't nasa magkakaibang antas ng gobyerno.
Halimabawa, papayagan pa rin kung kasabay ng senador na ama, ang congressman na anak, governor na kapatid, at asawa na mayor.
"Within the same province," "within the same city/municipality" at "within the same legislative district" lang din ang bawal sa panukalang batas sa mga lokal na posisyon.
Nangangahulugan itong puwede pa rin kung tumakbong konsehal ng kabilang bayan ang apo ng mayor ng isa pang bayan, o tumakbo ang magkapatid na congressman bilang district representative ang isa at party-list representative naman ang isa pa.
Samantala, dahil sabay na paghawak ng posisyon lang ang ibinabawal sa ilalim ng panukalang batas, puwede pa rin ang magkakasunod na pagtakbo ng mga magkakamag-anak, tulad ng pagsunod ng anak sa pagiging mayor pagkatapos ng termino ng ama, o sunod na pagtakbo ng asawa bilang congressman pagkatapos ng termino ng isa.
"Kapag sunod-sunod ay pwede pa rin, ang ibig sabihin maaaring sa 30 taon, tatlong dekada, apat na dekada, may iisang pamilya na naghahari sa isang probinsya, halimabawa, o isang munisipyo sa Pilipinas. Kumbaga hindi natin mareresolba 'yung problema sa dinastiya," sabi ni Encinas-Franco.
Marami pa rin ang hindi sang-ayon sa mga probisyon nito dahil limitado ang sakop ng panukalang batas.
Isa na rito si Partylist Rep. Chel Diokno sa 20 na bumoto ng "no" sa pagpapasa ng bill, dahil sa pananatili umanong "pro-dynasty" ng panukalang batas.
"38 years of waiting, only to be given a piece of legislation that is more concerned with perpetuating political dynasties than ending them. If one family can hold positions across multiple levels of government, that is still concentration of power," sabi ni Diokno.
Ayon naman kay Navotas Rep.Toby Tiangco, isa sa 267 bumoto ng "yes," sa kabila ng mga hindi pagkakasundo sa ilang probisyon sa panukalang batas, mas maigi pa rin ang pagpapasa nito upang mabawasan ang political dynasties.
"Kapag pinatay natin ang panukalang ito dahil sa hindi tayo kuntento sa tindi ng kabuuan nito, wala ni isa mang mababawas na miyembro ng political dynasty," sabi ni Tiangco.
Sinabi ni Encinas-Franco na mas maigi nang maghintay ng pagpasa ng mas malawak na panukalang batas sa anti-dynasty dahil walang kasiguruhan na magkaroon ng mga amyendang magpapalawak sa kasalukuyang panukala.
"Kapag ang rason ay mas mabuti 'yung meron na kaysa wala, ang takot ko diyan baka pagdating ng araw kapag meron nang mga legislators na gustong amyendahan ito, baka ang katwiran naman ng iba, 'E meron na eh, bakit mo pa gustong amyendahan? Hindi ba? Ang ipinaliliwanag lang nitong latest bill or legislative measure na na-approve sa House of Representatives ay tila hirap na hirap pa rin ang ating mga mambabatas na tanggihan 'yung benepisyo na naibibigay sa kanila ng political dynasty," sabi niya.
Makalipas ang pagpasa ng panukalang batas sa Kamara, hihintayin pa na maipasa ang bersiyon nito sa Senado, kung saan apat na magkakapatid ang nakaupo sa ngayon -- sina Senador Camille at Mark Villar, Senador Pia at Alan Peter Cayetano, Senador Raffy at Erwin Tulfo, at Senador Jinggoy Estrada at JV Ejercito. – FRJ GMA News
