Kinamamanghaan ang mga coconut octopus, na tila may isip dahil ginagamit nilang tirahan ang mga basura sa ilalim ng dagat bilang kanilang bahay o taguan, gaya ng mga lata at basag na bote.

Sa nakaraang episode ng “Born To Be Wild,” sinisid ni Dr. Ferds Recio sa gabi ang isang dagat sa Anilao, Batangas, ang oras na mas aktibo ang mga pugita.

Sa kaniyang pagsisid, sumalubong sa kaniya ang mga kamangha-manghang Hairy Frogfish, Broadclub Cuttlefish, at Decorator, Sponge at Carrier Crab.

Ilang saglit pa, nagpakita na ang isang coconut octopus. Isang lata ang kaniyang nakuha, na gagamitin niya bilang pansamantalagang masisilungan.

“Kaya siya tinawag na coconut octopus dahil madalas na dala-dala niya 'yung bao ng niyog as a means of protection nila sa possible na predation. Comparably doon sa ibang uri ng octopus na mas madalas ang pinaka-paraan nila ng protection ay pagko-camouflage. Ang world distribution naman niya ay karamihan nasa Indo-Pacific region. Pero dito sa Pilipinas, madalas itong nakikita sa buong bansa na rin,” sabi ni Nonie Enolva, Chief Fishing Regulations Officer ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources - NCR.

Hanggang sa binuhat ng pugita ang lata at lumakad palayo.

Stilt walking ang tawag sa ginawa ng coconut octopus. Niyayakap ng kaniyang galamay ang lata, habang nagsisilbing paa rin niya ang iba pang galamay.

“Ang mobility kasi nila madali compared doon or mas strategic. Kasi anytime na may predator, ibabagsak lang niya 'yung bao, makakapagtago na siya,” sabi ni Enolva.

Tatlo hanggang limang taon lamang ang buhay ng coconut octopus. Pero hinahangaan ito dahil sa taglay nitong talino.

Kakaiba ang coconut octopus dahil iilan lang ang mga hayop na may kakayahang gumamit ng tools o kasangkapan upang mabuhay.

Namataan din isang coconut octopus na nakasiksik sa isang basag na bote, at ginamit niyang pangharang sa bukana ng bote ang PVC pipe at puting tasa.

Hindi raw mapili ang coconut octopus sa lugar na kaniyang pagtataguan.

“Kung wala silang makuhang bao ng niyog o kaya lata o kung iba pang any smooth surface para pagtaguan, madalas po nandun lang sila sa ilalim ng buhanginan na ang nakalabas lang ay ang kanilang mga mata. Sobrang bigat ang dala nilang bao, tapos pag may nakita sila na mas smooth and mas malaki, mas magaan, nagpapalit sila doon,” sabi ni Enolva.

Gayunman, ikinababahala na mga basura mula sa lupa ang tirahan na ng coconut octopus, at hindi na mga bao ng niyog.

“Just only shows na mataas na 'yung anthropogenic effect or 'yung indiscriminate siguro na pagtatapon natin ang solid waste sa karagatan na nakakaapekto somehow doon sa mga yamang dagat,” ani Enolva. – FRJ GMA News