Mula sa kasalukuyang pitong araw, nais ni House Assistant Minority Leader Chel Diokno ng Akbayan Party-list na palawigin sa 90 araw ang paternity leave – o panahon na nagsilang ang kaniyang misis. Nakasaad ito sa inihain niyang House Bill 9891 o ang Paternity and Parental Leave Act (PAPA Leave Act).
Paliwanag ng kongresista, ang pagiging magulang ay magkabahaging responsibilidad ng mag-asawa. Makatutulong umano ang panukala upang mas makasama ang mga ama sa pag-aalaga sa mga kritikal na unang yugto ng buhay ng kanilang anak.
Sa ilalim din ng panukalang batas, magkakaroon ng tuloy-tuloy na 60 araw na paternity leave ang mga ama sa mga kaso kung nagkaroon ng miscarriage ang asawa o emergency termination of pregnancy.
Bukod dito, maaari ding gamitin ang karagdagang 15 araw na may bayad na parental leave sa loob ng isang taon mula sa panganganak, kung ito man ay tuluy-tuloy o hati-hati sa iba’t ibang pagkakataon. Kaya aabot sa kabuuang 105 araw ang benepisyo sa leave.
"By investing in shared parenting, this measure advances gender equality, improves child and family wellbeing, and strengthens labor force participation. It affirms that childcare is not solely the responsibility of women, but a shared parental duty that must be actively supported by the State," paliwanag ni Diokno.
Saklaw ng panukala ang mga ama na kasal, gayundin ang mga ama na hindi kasal, at mga alternatibong tagapag-alaga na may mahalagang papel sa pag-aaruga ng mga sanggol at maliliit na bata.
Kasama rin sa saklaw nito ang mga manggagawa sa informal economy at voluntary members ng Social Security System (SSS), alinsunod sa itinakdang mga kontribusyon.
Sa ilalim ng panukala, magpapatuloy ang mga pribadong employer sa pagbibigay muna ng paternity leave benefits, ngunit buo silang mare-reimburse ng SSS.
Pinalalakas din ng panukalang batas ang proteksiyon para sa mga empleyado sa pamamagitan ng pagbabawal sa pagtanggal sa trabaho, pagbaba ng posisyon, o diskriminasyon laban sa mga manggagawang gagamit ng kanilang leave benefits.
Nagpapataw din ito ng mga parusa sa mga employer at indibidwal na lalabag sa mga probisyon nito, kabilang ang multa, pagkakakulong, at pagbawi ng permit sa negosyo. Nagtatatag din ito ng mga mekanismo ng pananagutan upang maiwasan ang maling paggamit ng mga benepisyo sa leave.
Kabilang din sa mga may-akda ng House Bill 9891 sina Akbayan Party-list Representatives Percival Cendaña at Dadah Kiram Ismula, gayundin si Dinagat Islands Representative Kaka Bag-ao. – FRJ GMA News

