Ilang residente ng bayan ng La Castellana sa Negros Occidental ang nakaranas ng pag-ulan ng yelo o “hailstorm" nitong Huwebes ng hapon, June 18, 2026.

Sa ulat ni stringer Victor Camion, base sa videong ibinahagi ni Carmella Austria, makikita ang mga butil ng yelo na bumabagsak sa ibabaw ng screen ng kanilang tolda.

Bukod sa pag-ulan ng yelo, binayo rin ng malakas na hangin at ulan ang naturang lugar. Sa hiwalay na pahayag ng isa pang residenteng si Christy Valerie Trespicio, sinabi nito na inakala niyang may bagyo dahil sa tindi ng hangin na halos magpalipad na sa bubong ng kanilang bahay.

Ayon sa PAGASA, severe thunderstorm na dala ng easterlies ang naranasan sa Negros Occidental nitong Huwebes ng hapon.

Wala namang iniulat na nasaktan o malaking pinsala idinulot ang naturang insidente. -- FRJ GMA News