Kabilang ang isang "Mary Grace Piattos" sa mga ipiprisentang testigo ng prosecution team ng Kamara de Representantes sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, ayon sa pre-trial brief na nakuha ng GMA News Online.

“[Mary Grace Piattos will be presented as witness] to testify on their alleged receipt of confidential funds,” saad sa pre-trial brief.

Unang naging prominente ang pangalang Mary Grace Piattos sa pagsisiyasat ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong 2024 tungkol sa paggamit ng pondo ng Office of the Vice President at ng Department of Education. Batay sa ipinakitang mga acknowledgement receipt sa paggamit ng confidential fund disbursements. isa siya sa mga nakatanggap ng confidential funds mula sa mga opisina ng bise presidente.

Gayunpaman, sinabi ng Philippine Statistics Authority sa imbestigasyon ng Kamara na wala silang mga rekord ng kapanganakan, kamatayan o anumang iba pang pagkakakilanlan ng taong nagngangalang "Mary Grace Piattos."

Samantala, sina Xiaomi Ocho, Kokoy Villamin, Milky Secuya at iba pa, ang iba pang mga pangalan ding lumabas sa acknowledgement receipts.

Ayon sa pre-trial brief, haharap si Piattos bilang testigo para sa Article 1 ng reklamo na nag-aakusa kay Duterte ng paglabag sa Konstitusyon, graft and corruption, at pagtataksil sa tiwala ng publiko dahil sa maling paggamit umano ng P612.5 milyong halaga ng confidential funds.

Noong Pebrero, sinabi ng kampo ni Duterte na handa silang ipaliwanag ang paggamit ng mga alyas para sa mga confidential funds, tulad ng "Mary Grace Piattos."

“Specifically the ‘Mary Grace Piattos,’ we are ready to respond to that and explain bakit may mga ganyan,” sabi ni Michael Poa, tagapagsalita ng defense team ni Duterte.

Imbestigasyon ng Ombudsman

Sa kabilang banda, haharap bilang saksi si dating Overall Deputy Ombudsman Carandang para sa Article 2 na nag-aakusa sa Bise Presidente ng paglabag sa Konstitusyon at pagtataksil sa tiwala ng publiko dahil sa hindi maipaliwanag na kayamanan, mga maling entry sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth at patungkol sa mga negosyo.

“[Carandang will be presented as witness] to prove that he investigated the bank accounts and transactions of respondent and Rodrigo Duterte, and the result thereof,” ayon sa pre-trial brief.

Tinanggal si Carandang sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte, ama ng Bise Presidente, noong 2018 dahil sa pagbubunyag ng mga transaksyon sa bangko ng pamilya kaugnay sa imbestigasyon sa ill-gotten wealth umano ng mga Duterte.

Umapela si Carandang sa kaniyang pagkakatanggal ngunit nabigo. Hanggang sa naglabas ng desisyon ang Korte Suprema noong nakaraang Mayo na pinawalang-bisa ang pagsaibak kay Carandang.

Idinahilan ng SC na walang hurisdiksyon ng Office of the President na magpataw ng mga parusa kay Carandang. Pinawalang-bisa rin ng SC ang desisyon ng Office of the President noong Hulyo 30, 2018 na nagpapatunay ng administratibong pananagutan ni Carandang para sa katiwalian at korapsyon at pagtataksil sa tiwala ng publiko, at pagtanggal sa kaniya sa serbisyo publiko.

Inaasahang magsisimula ang paglilitis sa impeachment ng Senado sa Bise Presidente sa Hulyo 6.—Llanesca T. Panti/Jamil Santos/FRJ GMA News