Sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ngayong Lunes na ihahain na ang reklamong plunder o pandarambong laban kay Senador Rodante Marcoleta.

Ihahain ang reklamo sa Sandiganbayan kaugnay sa mga hindi umano deklaradong campaign contributions na nakuha ni Marcoleta sa nakaraang halalan na nagkakahalaga ng P75 milyon.

“It's [against] Senator Marcoleta, definitely. It is for Resolution. We're about to file it before the Sandiganbayan. It’s plunder,” saad ni Remulla sa isang press conference.

Bukod kay Marcoleta, sinabi ni Remulla na kasama ring kakasuhan ang mga nagbigay ng kontribusyon na si dating Congressman Mike Defensor, at mga negosyanteng sina Joseph Varias Espiritu at Aristotle Baluyut Viray.

Una rito, naglabas ang Sandiganbayan ng precautionary hold departure order laban kina Marcoleta, Defensor, Espitiru at Viray kaugnay sa nasabing campaign donation na nakuha ni Marcoleta para sa 2025 midterm elections.

Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuhanan ng pahayag si Marcoleta kaugnay sa naturang usapin.— Llanesca T. Panti/Sundy Locus/FRJ GMA News