Nagdudugo ang mga mata at namamaga ang mukha ng isang babae nang makita ng mga awtoridad. Ang biktima, manunundo ng pamangkin sa paaralan sa Pampanga nang dukutin ng dalawang lalaki at inabandona sa Tarlac.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing duguan ang mga mata at namaga ang mukha ng biktima dahil sa duck tape na ibinalot sa kaniya.

Base sa imbestigasyon ng Angeles City Police sa Pampanga, susunduin sana ng babae ang kaniyang pamangkin sa paaralan noong hapon ng July 14 sakay ng isang SUV.

Pero habang nasa sasakyan siya, dalawang lalaki umano ang lumapit sa kaniya at sapilitan siyang pinalipat sa likuran ng SUV.

Doon na umano siya binalutan ng duck tape sa mukha at itinali ang kaniyang mga kamay.

Kinuha umano ng mga suspek ang kaniyang ATM card na may laman na P5,000, at tatlong cellphone na nagkakahaga ng P100,000.

Dakong 4:00 pm, nakita sa CCTV camera ang sasakyan ng biktima na lumabas ng paaralan, at nakarating sa Paniqui, Tarlac kung saan inabandona ang biktima.

Nagsumbong ang babae sa mga pulis sa Tarlac, at nakipag-ugnayan ang mga ito sa mga pulis sa Pampanga.

Sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis, nadakip ang isa sa mga suspek na lumitaw na kakilala ng biktima.

Parehong tumangging magbigay ng pahayag ang biktima at ang suspek, ayon sa ulat. -- FRJ GMA News