Humihiling ang ilang transport group ng P2 dagdag sa singil sa minimum fare dahil sa muling pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo kaugnay pa rin ng kaguluhan sa Middle East. Ikinokonsidera rin ng grupo na magsagawa ng nationwide transport strike.
Sa panayam ng GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabi ni MANIBELA chairperson Mar Valbuena na hindi sapat ang P1 na dagdag-pamasahe.
"At least sana P2. Kasi nga 'yung losses pa namin noong Marso hanggang ngayon ay hindi pa rin kami nakaka-recover dito. Kaya sana mapagbigyan tayo ng ating Pangulo. Kung hindi sana ito binawi noong nakaraan ay okay na sana ang piso," pahayag niya.
"Kaya lang napakalaki pa rin ng hinahabol nating nawalang kita ng ating mga kasamahan. Kung titingnan natin, 100% na ang itinaas nito. 'Yung hiniling po natin na piso noon, pre-war era pa ito, noong hindi pa po sumiklab ang gera at hindi naibigay sa atin ito. Ngayon na bibigyan tayo ng piso pa rin, panahon pa ito noong wala pang gera," dagdag niya.
Sa panayam naman sa Super Radyo dzBB, iginiit din ni ACTO president Libay de Luna ang pangangailangang itaas ang minimum fare.
"Ang reaksiyon ko rito ay kailangan magtaas na ng pamasahe. Ibigay na nila ‘yung aming hinihinging pagtaas ng pamasahe at kung may ibibigay pa silang ayuda sa amin eh sana matanggap na po naming lahat ulit," giit niya.
"Kahit P1 o P2 malaking tulong na ito sa akyat-panaog ng atin mga pasahero, malaking tulong na ito sa hanay ng transport sector," dagdag niya.
Ayon kay De Luna, kapag naaprubahan ang dagdag-pamasahe, madaragdagan ng humigit-kumulang P150 hanggang P200 ang maiuuwing kita ng mga tsuper bawat araw.
Sinabi nina Valbuena at De Luna na maaari silang magsagawa ng transport strike kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng langis.
"Pinag-iisipan pa po namin kung anong araw ito dahil sa pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo, unti unti na namang aabot sa P100 na hindi natin namamalayan dahil sa kaliwa't kanang issue ng ating bayan. Masyado tayong pinagsasamantalahan ng mga oil companies at kasabwat itong Department of Energy sa pagsasamantala ng mga oil companies na ito," sabi ni Valbuena.
Ayon kay Valbuena, tinatayang 100,000 tsuper at operator sa buong bansa ang inaasahang lalahok sa posibleng transport strike.
Sinabi rin ni Valbuena na makikipagpulong ang MANIBELA sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Martes, Hulyo 21, upang talakayin ang kanilang kahilingan para sa dagdag-pasahe.
Samantala, sinabi naman ni De Luna na patuloy nilang binabantayan ang sitwasyon at kung magtutuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng langis, magsasagawa rin sila ng transport strike.—FRJ GMA News
