Viral at patok ang smash burgers ng isang kainan sa Angeles City, Pampanga. Ang patty nito, pinipisa kaya mas malalasahan daw ang sarap at smash hit din ang kita.
Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, itinampok ang smash burgers ni Rye Marva, ang owner ng Rich Taste, na kumikita raw ng P20,000 sa isang araw.
“'Yung nakasanayan natin is 'yung mga buy 1 take 1, 'di ba? Kami naman, naghahanap kami ng more on the premium side. Iyon ang wala dito sa Pampanga noon. Kaya doon namin naisip na magsimula, mag-try ng burger,” paliwanag ni Rye.
Kaiba sa regular burger na makapal at juicy ang patty, pinipisa o ini-smash naman sa mainit na lutuan ang patty ng smash burger kaya ito nagiging mas manipis, mas crispy ang gilid at mas lumalabas ang lasa ng karne.
Nag-umpisa ang mga ito sa mga classic burger diner na natuklasang mas nagiging malasa ang burger kapag direktang pinipisa o dinidiinan sa mainit na griddle.
“Kasi ‘pag ini-smash mo siya, may mga lalabas na juices, 'yung fats ng patties. So maluluto ‘yun, nagiging caramelized crust 'yun. So 'yun 'yung purpose ng Smash Burgers,” sabi ni Rye.
Walang karanasan si Rye sa pagluluto kaya siya nag-self-study mula sa panonood ng video at pagbabasa ng recipe online.
Unang inaral ni Rye ang paggawa ng signature patty o palaman ng burger, na hindi kailangan ng sobrang daming aromatics kundi tamang ratio lamang.
Kapag handa na ang giniling na karne ng baka, saka ito titimplahan ng mga pampalasa. Gumagamit sina Rye ng 80% lean beef at 20% beef fat sa kanilang smash burgers.
Bibilugin ito na kasing laki ng tennis ball. Sa kada 25 kilo ng karne, 200 pirasong patty ang nagagawa ng kanilang kainan.
Habang pinipisa ang patty, nabubuo ang crispy crust na nagbibigay ng kakaibang texture at dagdag lasa. Sunod itong lalagyan ng melted cheese at caramelized onions pagka baligtad sa patty.
Ipinagmamalaki ni Rye ang kanilang mga sauce na “from scratch” nila ginawa at pinag-aralan nilang i-formulate ang lasa.
“Heavy meal sila sir, kasi at least 120 grams per patties. Saka 'yung buns namin is at least 100 grams. Kaya 'yung pagkumain ka ng single patty lang, mabigat na 'yung meal niya,” ani Rye.
Isang taon pa lang ang negosyo ni Rye, na inumpisahan niya sa puhunang P20,000.
Bago nito, nagtrabaho bilang ramp loader sa isang airport si Rye, pero iniwan ang pagiging empleyado para magnegosyo.
Pumasok na rin siya sa ilang negosyo pero hindi nag-click.
Dahil ayaw na niyang muling malugi, gumawa si Rye ng sistema na kanilang sinusundan.
“Importante kasi sa business na alam mo kung ano 'yung sini-service mo. Alam mo na premium 'yung ingredients na binibigay mo. So 'yung presyo na ibibigay mo sa customers, premium din. And also 'yung customer service,” paliwanag niya.
Tuloy-tuloy na ang kanilang pag-asenso matapos makuha ang tamang ingredients sa pagnenegosyo.
“Ang naging style namin talaga para dumami ang customers, word of mouth. Hindi kami nag-advertise nang all out. Mostly talaga ang ginawa namin, makakuha ng repeat customers. Kasi ang mga repeat, magsasama pa sila ng mga families nila at saka mga kaibigan nila,” sabi ni Rye.
Mabibili ng halagang P239 hanggang P499 ang smashed burgers ni Rye.
“New concept siya dito sa Angeles, tapos 'yung price points niya mataas. Unlike sa mga typical burger brands na nabibili natin. Pero nu’ng natikman nila 'yung burgers, na-justify naman 'yung price points,” sabi niya.
Kumikita sila ng P20,000 kada araw, at magbubukas na ng isa pang branch ngayong taon.
“Pag-aralan mo muna bago ka magsimula. Kailangan maging masipag ka. Tiyagain mo 'yung araw-araw na gagawin mo kasi uulit-ulitin mo 'yun,” sabi ni Rye. – FRJ GMA News
