Ikinasal na si MrBeast, na Jimmy Donaldson ang tunay na pangalan, sa kaniyang nobyang si Thea Booysen.
Sa Instagram, nag-post ang dalawa ng ilang larawan mula sa ginanap nilang beach wedding.
"I found MrsBeast," saad ng groom. "And it was the best day of my life."
Nakasuot si MrBeast ng puting tuxedo na may itim na bow tie sa kanilang kasal. Habang nakasuot naman si Thea ng puting bridal gown na yari sa lace, spaghetti straps at plunging neckline.
Una silang nagkakilala mula sa mutual friend noong 2022 nang bumisita si MrBeast sa South Africa, ang bansang sinilangan ni Thea. Naging engaged ang dalawa noong Enero 2025.
Nitong nakaraang Hunyo, naging kauna-unahang YouTube content creator si MrBeast na umabot sa 500 milyong subscribers, at binigyan siya ng YouTube ng isang natatanging YouTube Play Button.
Bukod sa pagiging content creator, pumasok na rin si MrBeast sa negosyo ng pagkain. Noong 2023, inilunsad niya ang kaniyang burger brand sa Pilipinas sa pamamagitan ng pakikipagtambalan sa JustKitchen Philippines. —Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News

