Nilinaw ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) na hindi kinakailangang magpakita ng valid government-issued ID ang mga Pinoy na nais kumuha o magkaroon ng Postal ID.
Para sa mga unang beses na aplikante, sinabi ng PHLPost na kailangan lamang nagpadala ng mga sumusunod:
- Postal ID application form
- Philippine Statistics Authority (PSA)-issued birth certificate
- Barangay certificate
Kung walang barangay certificate, maaari namang magsumite ng patunay ng tirahan (proof of address), gaya ng pinakahuling bayarin sa kuryente, tubig, internet, o iba pang utility bill na nakapangalan sa aplikante at may nakasaad na kasalukuyang address o tirahan nito.
"The postal ID has always been intended to make it easier for Filipinos to establish their identity, especially those applying for their first government-issued ID," paliwanag ni Postmaster General and CEO Maximo C. Sta. Maria III sa isang pahayag.
Tinatanggap ang Postal ID sa mga transaksyon sa public at private transactions, tulad ng pagbubukas ng bank account, pag-aaplay ng pasaporte, at iba pang mahahalagang transaksyon.
Nagkakahalaga ng P550 ang bayad sa pagproseso para sa regular na aplikasyon ng postal ID, at P650 para sa rush processing. Maaaring mag-apply ang mga aplikante sa iba't ibang sangay ng PHLPost sa buong bansa.
Nitong Abril, inanunsyo ng sangay ng PHLPost sa SM Manila ang same-day release o paglalabas ng Postal ID sa mismong araw ng aplikasyon.
May bisa na hanggang tatlong taon ang postal ID. —Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News

