Patay ang isang lalaking trabahador matapos siyang mabagsakan ng mga granite slab mula sa flatbed truck sa Liloan, Cebu.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood na nahulog mula sa flatbed truck ang dalawa sa mga lalaking nagde-deliver ng mga granite slab.
Kalaunan, isa sa kanila ang nadaganan ng mga ito.
Agad siyang sinaklolohan ng kaniyang mga kasamahan at dinala sa ospital sa Mandaue City ngunit idineklarang dead on arrival.
Nakaburol sa kaniyang bahay sa Argao, Cebu ang lalaki, na naulila ang dalawa niyang batang anak.
Sinabi ng asawa ng lalaki na nakikipag-ugnayan na sa kanila ang kompanyang pinagtatrabahuhan ng kaniyang asawa. —Jamil Santos/VBL GMA News
