Isinilid sa isang eco bag ang isang fetus at itinapon sa basurahan ng isang condominium sa Tondo, Maynila pasa alas otso ng gabi nitong Linggo.

Mismong ang housekeeper daw ng condo ang nakakita sa fetus, ayon sa pulisya.

"Naglalaro sa 2-3 months ganon ang edad, babae," ayon kay Police Capt. Ryan Jay Balagtas, Smokey Mountain PCP Commander, Manila Police District.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, aabot sa 20,000 ang residente sa nasabing condo.

Pero malaki raw ang posibilidad na residente lang ng Building 2 at 4 and responsable sa pagtatapon ng fetus.

Ang problema, wala aniiyang CCTV sa mismong lugar kung saan ito itinapon.

Ilang beses na rin umano silang nakipag ugnayan sa management kaugnay sa paglalagay ng mga CCTV.

"Sabi nila dapat June or July dapat meron na sila dun na naka install, kung meron man, dun lang sa parking area nila naka focus, dapat yan lahat yan, lahat ng anggulo, so matagal ko ng, nirequest din yun na pina ffollow up sa kanila na ikabit nila dun kasi malaking tulong yun," ayon kay Balagtas.

Sinubukan ng GMA News na makipag-ugnayan sa management pero wala nang humarap sa amin.

Sabi ng pulisya, patuloy pa ang kanilang pagkalap ngmga posibleng testigo sa nakakita sa nagtapon sa fetus.

Sa oras na matukoy ang pagkakakilanlan ng magulang at responsable sa pagtatapon ng fetus, mahaharap siya sa reklamong abortion.

"Humanap kayo ng tulong sa pamilya niyo o sa lokal na pamahalaan para mabigyan kayo ng payo, kung ano pinaka maganda ... huwag basta basta mag aabort ng sanggol ... kasi buhay yan eh, napakahalaga ng buhay. Diyan nagsisimula ang ating ano... so wala na kagad kinabukasan yung bata," ani Balagtas.

Dinala na sa punerarya ang fetus. — BAP GMA News