Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa isang pagtitipon ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) nitong Biyernes na mag-i-endorso siya ng kandidato sa 2028 presidential elections.
Bagaman masyado pa umanong maaga sa ngayon na mag-endorso ng kandidato, tiniyak naman ng pangulo na pipiliin niya ang “the best possible candidate” na magpapatuloy ng anti-corruption measures ng kaniyang administrasyon.
“I will certainly endorse a candidate in the 2028 elections. Who that is, I cannot tell you because even I don't know… It's a little early for that,” saad ni Marcos.
Idinagdag ng pangulo na sa ngayon, “only one person has put her hat on the ring,” na tila patungkol kay Vice President Sara Duterte na dating nagpahayag ng intensiyon na tumakbong pangulo sa 2028.
Sinabi rin ni Marcos na marami pang mangyayari sa pulitika ng bansa bago ang 2028 election. Sa kabila ‘yan ng mga lumalabas na survey na nagpapakita ng mga positibong resulta para sa ilang posibleng maging mga kandidato.
“And so, it's very hard for me to, for myself, even to make a decision. I would say that if I decided now, it would be premature. We have to see how things really shape up,” paliwanag niya.
Sinabi rin niya na wala pa siyang aktuwal na nakakausap at tinatanong kung nais ba nilang tumakbo bilang pangulo o hindi.
“The time will come,” ani Marcos. “We will certainly provide the best candidate with the betterment of the lives of every Filipino. We will choose the best possible candidate who will continue what we have started.” — FRJ GMA News
