Trahedya ang sinapit ng isang senior citizen at kaniyang kasambahay matapos ma-trap at ma-suffocate sa nasunog nilang bahay sa kanto ng Don Quijote cor. Dapitan St. sa Sampaloc, Maynila bandang ala-una ng madaling araw nitong Sabado.

Nasa 25 na truck ng bumbero ang rumesponde sa sunog na itinaas sa unang alarma.

Ayon sa isang residente sa lugar, nagulat sila sa sigaw ng mga nakatira sa nasabing bahay.

"Pamilya sila rito kanina na sumisigaw ng 'Help! Help.' Akala namin 'yung bata isusugod lang sa ospital. Tapos pagtingin namin diyan sa may bintana, may usok na kaya bumaba kami. Nagsisisigaw na kami dito ng, 'Tulong! May sunog! May sunog,'" ani residenteng nakasaksi sa sunog.

Nakalabas ang ilang residente pero na-trap naman ang dalawang biktima dahil sa kapal ng usok.

"Puro usok lang 'yung nakakasalubong natin habang hinahanap natin 'yung dalawang na-trap sa bahay. 'Yun 'yung challenges na na-experience po natin. Mayroon siyang backdoor kaya lang naka-lock siya so hindi rin siya accessible," ani Fire Chief Inspector Demetrio Sablan Jr., ang chief of operations ng Manila Fire Station.

Nang makontrol ang apoy, nailabas ang dalawang biktima at sinubukang i-revive pero dahil unresponsive na sila, isinugod na sila sa pagamutan kung saan sila tuluyang binawian ng buhay dahil sa suffocation.

"'Yung dalawa pong sinugod sa ospital, confirmed na po, wala na po. Talagang na-suffocate po kasi, hindi na po kinaya," ani Carlito Cabunot, ang chairman ng Barangay 480, Zone 47.

Tiniyak ng barangay na tutulungan nila ang pamilya ng mga biktima sa pagpapalibing.

"'Yung pinaka-immediate 'yung burial assistance, lalong-lalo na po sa kasambahay kasi bago pa lang po siya dito," dagdag pa ni Cabunot.

Tuluyang naapula ang apoy makalipas ang 30 minuto.

Iniimbestigahan na ang sanhi ng apoy at ang halaga ng mga natupok na ari-arian.

Sinusubukan pa ng GMA News na mahingan ng pahayag ang mga kaanak ng mga biktima.

"Sa ngayon, hindi pa namin pwede mai-disclose 'yung origin and cause ng sunog. Under investigation pa po tayo," ani Sablan. —KG GMA News