Nagtapos na ang kampanya ni Alex Eala sa Cincinnati Open matapos mabigo kontra kay Amanda Anisimova, 6-4, 4-6, 2-6, sa kanilang paghaharap sa Round of 32 nitong Martes sa Lindner Family Tennis Center, Mason, Ohio, USA.

Nakuha ng 21-anyos na Filipina tennis star ang unang set ngunit hindi niya napanatili ang momentum upang maagaw ng world no. 10 na si Anisimova ang dalawang sumunod na set.

Sa kabila ng kabiguan sa naturang laban, inaasahan na nakakuha si Eala ng mahalagang karanasan at aral na makatutulong sa kaniyang pagbalik sa susunod niyang kampanya sa US Open na magsisimula rin ngayong buwan.

Inaasahan din na magkakaroon si Eala ng seeding sa women's singles ng huling Grand Slam tournament ngayong taon, dahil kasalukuyan siyang No. 20 sa mundo.

Sasabak din siya sa mixed doubles at magiging ka-partner ang world No. 4 na si Felix Auger-Aliassime.

Sa darating na US Open, inaasahan na mauulit o malampasan ni Eala ang kaniyang nagawa noong nakaraang taon.

Noong 2025, si Eala ang naging kauna-unahang Pilipino na nanalo ng Grand Slam match matapos talunin si Clara Tauson ng Denmark, 6-3, 2-6, 7-6(13), sa kaniyang main-draw debut.

Ngunit maagang nagtapos ang kaniyang kampanya sa naturang torneo nang matalo si Eala kay Cristina Bucsa ng Spain sa Round of 64, 6-4, 6-3.


--FRJ GMA News