Inatasan ng Malacañang nitong Martes ang mga paaralan at tanggapan ng gobyerno sa National Capital Region (NCR) at iba pang mga lalawigan na apektado ng hagupit ng Habagat na muling magpatupad ng alternatibong work arrangements sa Miyerkules, Agosto 19.

Sa Memorandum Circular 129, sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto, na inirekomenda ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang alternatibong setup sa trabaho dahil inaasahan ang patuloy na malakas na pag-ulan sa Miyerkules.

“Unless otherwise directed by their respective Local Chief Executives, alternative learning modes for classes and learning continuity measures at all levels in public and private schools shall be implemented in the aforementioned areas,” saad ni Recto.

Sakop ng memo ang mga paaralan at mga tanggapan ng gobyerno sa mga sumusunod na lugar:

  • National Capital Region (Metro Manila)
  • Abra
  • Benguet
  • Ilocos Sur
  • La Union
  • Pangasinan
  • Bataan
  • Bulacan
  • Nueva Ecija
  • Pampanga
  • Tarlac
  • Zambales
  • Batangas
  • Cavite
  • Laguna
  • Rizal
  • Occidental Mindoro
  • Oriental Mindoro

Ipinapaubaya naman sa mga lokal na opisyal ang desisyon kung tuluyang magkakansela ng pasok sa mga paaralan, dagdag sa memorandum.

Sinabi ng Palasyo na kailangang magpatuloy sa operasyon ang mga ahensiyang may kinalaman sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan at pagtugon sa mga sakuna.

Samantala, makatatanggap pa rin ng kaukulang sahod ang mga contract of service at job order workers sa mga sangay ng gobyerno, ayon sa memorandum.

Ang pagsususpinde ng trabaho sa mga pribadong kumpanya ay ipauubaya sa kani-kanilang mga pamunuan.

FRJ GMA News