Lukso ng dugo ang naramdaman ng isang dalaga nang aksidente niyang makita sa bus ang isang lalaki na pinaniniwalaan niya na kaniyang ama. Hindi niya ito nakasama sa kaniyang paglaki matapos maghiwalay ang kanilang mga magulang halos 20 taon na ang nakalilipas. Tunghayan ang nakaaantig nilang kuwento.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang 20-anyos na si Jinky Partolan, na mapanonood sa isang video ang labis na tuwa matapos makasabay niya sa bus ang kaniyang ama na si Jandy Lumayag.
“Namumuo na po ang luha ko noon. Nanginginig ang buong katawan sa sobrang excitement,” sabi niya.
Sa Taguig City mag-isang itinaguyod ng inang si Janet Partolan ang anak niyang si Jinky. Pero kahit naghiwalay, hindi naman ipinagkait ni Janet sa kaniyang anak na malaman ang katauhan ng kaniyang ama na si Jandy.
Taong 2004 nang magkakilala at ma-in love sa isa’t isa sina Janet at Jandy, na isang construction worker noon. Si Jinky ang naging bunga ng kanilang pagmamahalan.
“Sabi niya, ‘Buntis ka? Hindi pa ako ready maging ama. Doon ako nabigla. ‘Hindi ko puwedeng hindi ituloy.’ ‘Ituloy mo na ‘yan, ako bahala,’ sabi niya. Habang lumalaki ang tiyan ko, madalas na kaming mag-away,” kuwento ni Janet.
Lalong lumala ang kanilang pagtatalo nang ipanganak na niya si Jinky.
“May mga panahong natigil sa trabaho, walang gawa sa construction. Naranasan kong magtinda ng mani para pandagdag sa panggatas. Sabi ko sa ama ng anak ko, ‘Two years tayong nagsasama, ganito na lang ba sitwasyon natin?’ Napuno na ako. Napaalis ko siya. Dala niya ‘yung mga gamit niya. Hindi na siya bumalik,” ani Janet tungkol kay Jandy.
Anim na buwan pa lang noon si Jinky nang maghiwalay sina Janet at Jandy.
Sa murang edad, nagkaroon na rin si Jinky ng mabigat na responsibilidad bilang provider sa bahay simula nang magkasakit ang kaniyang ina.
Tumigil siya sa Grade 12 para magtrabaho. Nais niyang may katuwang ang kaniyang ina sa paghahanap-buhay.
Sa pamamagitan ng Facebook, nalaman ni Jinky ang buhay ngayon ng ama. Pero nahirapan siyang tanggapin noong una nang matuklasan niyang mayroon nang ibang pamilya si Jandy.
"Noong nagkaroon ako ng Facebook, ang una ko pong sinearch ‘yung full name ni Papa. Nakita ko na meron na siyang asawa," kuwento ni Jinky.
“Noong pinakita sa akin ng anak ko may pamilya na siya, hindi ko maiwasan, nagkaroon ako ng konting… naiyak ako. Hindi niya kami ipinaglaban. Pero tanggap ko 'yun. Kasi desisyon ko ‘yun na makipaghiwalay,” sabi ni Janet.
Sa kabila ng kaniyang natuklasan tungkol sa buhay ngayon ng ama, sa halip na galit, mas nangibabaw pa rin sa dalaga ang pananabik na makita nang personal at mayakap ang ama.
Makaraan ang 10 taon, nakatanggap si Jinky ng chat mula sa kaniyang Papa Jandy. Agad niya itong ipinakita sa kaniyang ina ngunit pinayuhan siyang huwag muna itong sagutin dahil hindi pa tamang panahon, at sumunod naman ng dalaga.
Hanggang nitong nakalipas na taon, naglakas-loob si Jinky na hingin na ang basbas ng ina para sagutin ang ipinadalang mensahe noon ng ama.
Sa Naic, Cavite na nakatira si Jandy kasama ng kaniyang bagong partner na si Irene, at ang tatlo nilang anak.
Ani Jandy, sinubukan niyang bumalik noon sa kaniyang mag-ina.
“Mag-iisang taon si Jinky. Nagkita lang kami ni Janet po. Hindi niya dinala ‘yung bata. Sabi ko gusto ko ngang makita. Siya naman natatakot baka raw bigla kong kuhanin, itakbo. Sabi ko, hindi ko naman ugali ang gano’n. Kinausap ko siya kung, kung magkakabalikan pa ba tayo o hindi na. Maghihiwalay daw,” kuwento ni Jandy.
Gayunman, binigyan ni Janet si Jandy ng litrato ng anak nilang si Jinky. Pero nawala ang kaniyang wallet at hindi na niya alam kung saan ito nahulog.
Umamin si Jandy na malaki ang naging pagkukulang niya kay Jinky.
“Masakit kasi gusto ko siyang magabayan pero hindi ko kaya pumunta. Wala akong suporta kahit ni piso. Napakahirap po kasi ang trabaho ko madalang. Nagkaroon ako ng cellphone. Nagcha-chat ako nang nagcha-chat. Malungkot ako no’n nu’ng hindi siya nagre-reply,” sabi pa ni Jandy.
Kaya laking gulat ni Jandy nang isang araw, sinagot na rin ito ni Jinky ang mensahe niya. Pero hindi matuloy-tuloy ang plano nilang pagkikita.
Hanggang sa nitong nakaraang buwan, nag-outing sa Cavite si Jinky kasama ang ilang kaibigan.
Nang pauwi na, sumakay sila Jinky ng bus, at doon din nakasakay si Jandy na papunta naman sa trabaho.
At nang matapat si Jandy sa kinauupuan ni Jinky, kaagad siyang napansin ng anak.
“Parang may lukso ng dugo akong naramdaman. Kahit side view lang po ang nakita ko sa kaniya, alam ko na po agad na siya ‘yung papa ko,” sabi ni Jinky.
“Namumuo na po ‘yung luha ko noon. Hindi pa po ako nakakapagsalita, nanginginig ang buong katawan sa sobrang excitement,” sabi niya.
Ayon naman kay Jandy, “Tumawag sa akin, ‘Papa!’ Balisa ako kasi hindi ko naman kasi in-expect na gano'n na magkikita kami ng gano'n eh.”
“Noong nag-eye-to-eye po kami, iba po ‘yung pakiramdam. Nu’ng nakatitig po ako sa mata niya, hindi 20 years old ‘yung tumitingin sa kanya, kundi isang bata na sabik na makita ‘yung papa niya,” sabi pa ni Jinky.
Aminado naman si Jandy na nabitin ang pag-uusap nila ni Jinky sa bus dahil kailangan na niyang bumaba.
“Noong time na ‘yun kahit kapiraso, parang gumaan ‘yung pakiramdam ko,” sabi ni Jandy.
Dahil dito, mas tumindi pa ang pagnanais ni Jandy na mabisita ang kaniyang mag-ina sa dati nilang bahay, na kaagad namang nangyari.
Tunghayan sa KMJS ang madamdamin na muling pagkikita nina Jandy at Jinky, na sa pagkakataong ito, kasama na si Janet. Nakita rin ni Jinky ang tatlo niyang mas nakababatang kapatid mula sa ikalawang pamilya ng kaniyang ama. Pero ano kaya ang magiging reaksyo nnina Jinky at Janet kapag nakaharap na ang bagong partner ni Jandy na si Irene? Panoorin ang video. – FRJ GMA News
