Nagsimula lamang sa P10,000 na puhunan, umaabot na umano ngayon sa milyon-milyong piso ang kita kada buwan sa itinayo niyang negosyo na travel and tours, na puwede niyang patakbuhin mula sa loob ng kaniyang tahanan.

Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, ipinakilala si Aiza Molina o Aizy, owner ng StarLegends Adventures. Tinagurian siyang “CEO In Pajama” dahil pinatatakbo niya ang negosyo na nasa bahay lang at kahit nakapantulog pa.

Bago nito, dating “rakitera” si Aizy na nagtitinda ng mga damit, gadget, at beauty products.

“So in the beginning, I just paid the P10,000. I was given a booking portal. So if someone wants to buy, I take the payment, I book it… I was able to sell worth P60,000, P100,000, a million, without those amount in my pocket, in my own pocket,” kuwento niya.

“So it was courage, you know, taking risks, saying yes to a booking that I am not actually totally prepared to capitalize,” pagpapatuloy niya.

Nag-umpisa si Aizy sa pag-aalok sa mga kakilala hanggang sa lumawak na ang naaabot ng kaniyang negosyo, pati mga banyaga. Nasa Australia siya noon at nag-aalaga ng sanggol pa lamang niyang anak.

“So when I came to the point that I was very certain of what I wanted to be present to my kid while generating cashflow, that's when I felt the need of looking for something new and different,” aniya.

Kalaunan, natuto si Aizy ng marketing automation at paggamit ng chatbots kaya mabilis na siyang tumutugon sa online inquiries.

“So from that, I've already cracked the code. Kumbaga nakuha ko na ‘yung blueprint na kinakailangan ko na finally, I don't need to get out of the house. So we've created systems, tools, funnels, chatbots in order to make conversion happen, especially as per my experience,” sabi niya.

Bukod dito, registered sa ilalim ng Securities and Exchange Commission sa Pilipinas at sa Australia ang kaniyang travel and tours company. Accredited din sila ng Department of Tourism, at nakikipagsosyo sa mga local government unit at iba’t ibang tourism stakeholders.

Kabilang sa kanilang packages ang round-trip airfare, hotel accommodation, tours, transfers, at meals. Isa sa pinagmamalaking nilang local destination ang Camotes Island sa Cebu.

Nakatatanggap sila ng mahigit 1,000 booking sa isang buwan dahil affordable ang kanilang rates.

Sa pamamagitan ng kanilang platform, mas madali para sa travel suppliers at partners ang paghahanap ng mga kliyente na nangangailangan ng mga serbisyo gaya ng accommodation, transportation, travel insurance at passport at visa assistance.

Karamihan sa mga negosyanteng natutulungan ni Aizy ang hotel and car rental owners, tour operators at iba pa mula sa travel industry.

Naka-14 taon na si Aizy sa travel and tours industry kaya nakatanggap na rin siya ng awards at recognition.

“Also, I would say that part of my greatest investment is the life by design, the kind of lifestyle that my family and I live. Now, I can generate cash flow kahit kasama ko ang pamilya ko,” sabi niya. – FRJ GMA News