Posibleng pumalo sa 45 degrees Celsius o higit pa ang matinding init sa ilang bahagi ng bansa dahil sa inaasahang Super El Niño sa 2027, ayon kay Commissioner Albert Dela Cruz ng Climate Change Commission (CCC).
Kasabay ng matinding init, sinabi ni Dela Cruz na maaaring maging mas kaunti ang ulan at maging extreme ang weather conditions, na maaaring makaapekto sa suplay ng tubig, pagkain at enerhiya, gayundin sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Sa panayam ng GMA News, sinabi ni Dela Cruz na ibinabatay niya ang babala sa mga pag-aaral tungkol sa climate change, kabilang ang report ng Intergovernmental Panel on Climate Change o IPCC at isang parallel study ng University of Chicago-based climate lab.
Ipinaliwanag ni Dela Cruz ang 1.5 degrees Celsius na threshold na binanggit niya kaugnay ng mga pag-aaral tungkol sa climate change at Paris Agreement.
Ayon sa kaniya, inaasahan niyang lalampasan ang 1.5 degrees Celsius at maaaring umabot sa 2 degrees Celsius ang pag-init sa pagitan ng katapusan ng Pebrero at Abril 2027.
“Kapag tumama ng 2 degrees centigrade ‘yan, this specifically we’re talking of the Philippines, magkakaroon ng super strong El Niño. At ’yan, ang ibig sabihin niyan, hindi lang basta mainit, ’yung inaasahan nating maulan ay hindi magiging maulan. At ’yan ay magiging extreme. Ang ibig sabihin niyan, by the numbers, ’yung dating 40, nagkaroon tayo ng 43, pinaka-extreme. Papalo tayo ng higit more or less 45 or kahit mahigit pa sa 45 degrees.”
Region 1 2 at 3 unang maaaring makaranas ng matinding epekto
Ayon kay Dela Cruz, unang maaaring makaranas ng matinding init, mas kaunting ulan at iba pang extreme weather events dahil sa inaasahang Super El Niño ang mga lugar sa Region 1, Region 2 at Region 3.
“Ang nauna po diyan is Region 1, Ilocos Norte, Ilocos Region 2. Tapos Region 2 papunta na sa atin dito sa Region 3. At ’yan ay sa unang quarter. Itong December, itong October, November, December, tatama na ’yan sa Region 1, 2 and 3. Pagpasok ng March, April, lahat ng halos lahat ng probinsya ay magkakaroon ng problema ng extreme weather events."
Sinabi niyang kabilang sa maaaring maapektuhan ang suplay ng tubig at pagkain, enerhiya, kalusugan at human security.
“At ’yan ay ang pinatawag nating nexus or common problem will be there. Pagkatapos ng water, food security, and then energy, health, and then ’yung tinatawag nating human security. So lima ’yan, lima ’yung tinatawag nating common intersection ng impact.”
Dahil magkakaiba ang kondisyon ng bawat lugar, sinabi ni Dela Cruz na kailangang maipatupad nang maayos ang mga local climate action plan ng mga munisipyo, lungsod at probinsya.
Mas maagang klase isinusulong
Isa sa mga panukala ni Dela Cruz ang pagbabago sa class schedule upang maiwasang mabilad sa matinding init ang mga estudyante.
“Tayo ay nananawagan na magkaroon ng mga tinatawag nating shifting. Shifting ng klase. Maganda sana kung alas-6 hanggang alas-10 lang ang klase, pagkatapos doon alas-3 hanggang alas-7 ng gabi.”
Sinabi rin niyang kailangang protektahan ang mga construction worker, traffic aide at iba pang nagtatrabaho sa ilalim ng araw.
“Ganon din ’yung mga kababayan natin na nagtatrabaho sa construction, nababibilad sa araw, kasama na ’yung mga traffic aide, ganon. Ang sitwasyon, you have your PPEs. Pagpasok ng alas-10 hanggang alas-3, you need to avoid direct sunlight.”
CCC nagsusulong ng national framework
Nang tanungin kung nakipag-ugnayan na ang Climate Change Commission sa Department of Education o DepEd tungkol sa mas maagang class schedule, sinabi ni Dela Cruz na kailangan ng isang national framework para magsilbing pangkalahatang gabay.
“We need to have a national framework. Kaya ang ating pong ginawa ay tayo’y nag-sponsor ng resolution dito sa Climate Change Commission at the same time binigyan natin ng advanced copy ang Office of the President at magbibigay din tayo ng advanced copy sa DepEd at saka sa CHED, kasama na rin po ang iba’t ibang educational sector natin, katulad ng TESDA, et cetera, para mabigyan po ng guidance.”
Gayunman, sinabi niyang dapat may flexibility ang mga lokal na pamahalaan dahil magkakaiba ang kondisyon ng bawat lugar.
“Pero kamukha po ng nasabi ko kanina, the national framework will be the general framework. But the local chief executive, kamukha po ng sinabi ko, kung nakatira tayo sa Tagaytay at Baguio, of course it will not apply to that type of city. Nasa kanila po, meron po silang discretion as the local chief executive to tweak para susugan o magmaniobra ng kaukulang polisiya para sa general welfare ng kanilang nasasakupan.”
DepEd pinatitibay ang kahandaan laban sa El Niño
Samantala, sinabi ng DepEd sa pahayag nito noong Oktubre 1 na pinatitibay nito ang paghahanda ng mga paaralan laban sa El Niño at iba pang extreme weather conditions.
Kabilang sa mga hakbang ng kagawaran ang tuloy-tuloy na risk assessment, pag-update ng contingency plans at pagbabago sa learning continuity guidelines.
Pinahihintulutan din ang school authorities na mag-adjust ng class schedules o lumipat sa alternative learning modalities kapag matindi ang init.
Inatasan ang mga paaralan na bigyang-prayoridad ang heat at water security, kabilang ang pagkakaroon ng ligtas na inuming tubig, maayos na water, sanitation and hygiene facilities, pagkukumpuni ng mga tagas at pagpapabuti ng classroom ventilation.
Patuloy din ang monitoring at reporting ng heat index, water availability, class suspensions at health incidents sa mga paaralan.
Kasabay nito, ipinag-utos ni Education Secretary Sonny Angara ang pagpapalakas ng climate change concepts sa basic education curriculum.
Ayon sa DepEd, unti-unting itinuturo sa mga mag-aaral ang climate concepts mula Kindergarten hanggang Junior High School—mula sa basic environmental care hanggang sa scientific drivers ng global warming, climate change mitigation at iba pang climate-related concerns.
Hinihikayat din ang mga paaralan na magsagawa ng environmental activities sa pamamagitan ng Youth for Environment in Schools Organization o YES-O, kabilang ang waste segregation, cleanups at paglilinis ng drainage.
Payo sa mga senior at may pre-existing conditions
Bukod sa pagbabago ng class schedule, hinimok ni Dela Cruz ang publiko na umiwas sa pinakamainit na oras ng araw, lalo na ang mga may pre-existing conditions.
“Pangalawa, ’yung merong mga tinatawag nating pre-existing condition, huwag lumabas sa oras na alas-10 hanggang alas-3.”
Pinayuhan din niya ang publiko na uminom ng tubig bago pa maramdaman ang pagkauhaw.
“Before, pagpasok ng super strong El Niño, kailangan before you feel thirsty, uminom ka na. So kailangan n’yo walong baso. Kailangan, we need to maintain it.”
Para naman sa mga senior citizen na nasa mga siyudad, iminungkahi niyang maaaring umuwi muna sa mga probinsya, lalo na sa mga lugar na mas maraming halaman.
“Kung meron po tayong probinsya na nasa kabukiran, lalo na kung maraming halaman, we suggest, highly suggested na bumalik tayo sa mga probinsya.”
Greenery mahalaga laban sa matinding init
Binigyang-diin din ni Dela Cruz ang kahalagahan ng mga puno at iba pang greenery, lalo na sa mga urban area.
“Ang impact niyan tatama ’yan sa mga urban jungle. Kasi wala pong greenery, walang masyadong greenery na maaaring mag-absorb ng hit ng init. Ang sunlight ay uri ng energy, heat, at the same time light. Heat and light are energy. They cannot be created nor destroyed. They can only be converted from one place to another or into another type of energy.”
Nanawagan siya sa publiko na huwag basta alisin ang mga halaman at puno na maaaring makatulong sa pagbawas ng init sa kapaligiran.
“Ano ibig sabihin natin doon? Ang ibig sabihin natin doon, kung walang halaman, kung walang punong kahoy, kung walang damo, kasama na ’yung mga algae, ‘yung nasa pader, na kulay berde, nananawagan tayo, sa lahat, huwag n’yo pong alisin ’yan dahil makakasalba ng maraming buhay.”
Ayon kay Dela Cruz, maaaring magresulta ang matinding init sa heat stroke at iba pang heat-related illnesses.
“Kapag wala po niyang green na ’yan, magdi-deflect ang sunlight sa pader, pagkatapos ang maga-absorb animals at tao. Dito doon nagkakaroon ng resulta, ’yung mga heat stroke and other type of related illnesses.”
Huwag mag-panic o mag-hoard
Sa kabila ng mga babala, hinimok ni Dela Cruz ang publiko na huwag mag-panic at mag-hoard ng mga pangunahing pangangailangan.
“We need to convert the panic into a positive mode. Tama ‘yan. Ibig sabihin, tumatalab din ang ating mga iba’t ibang uri, kamukha po ng kulum nyo ngayon, iba’t ibang uri ng mga patalastas at mga iba’t ibang uri ng information campaign. Kaya lang kailangan maging positibo kung anong gagawin.”
Sinabi niyang hindi kailangang mag-hoard, lalo na ng tubig, at mas mahalaga ang maayos na paghahanda.
“Hindi naman kailangan mag-hoarding, kasi kung mag-ho-hoarding ka at nilagay mo ’yan, lalo na kung nakabattered water ’yan, pagkatapos na filat mo ’yan, magiging toxic yung tubig ninyo. Hindi maganda ’yon sa ating katawan.”
Maaari rin umuwi muna sa probinsya ang mga senior citizen, ayon kay Dela Cruz, upang maiwasan ang matinding init sa mga urban area.
Iminungkahi rin niya ang mas aktibong papel ng mga barangay at lokal na pamahalaan sa pagprotekta sa mga residenteng mas vulnerable sa extreme heat.
Ayon sa commissioner, mahalagang mapakinggan ang mga technical officials ng lokal na pamahalaan, kabilang ang municipal engineer, MPDC at city health officer.
“Pangalawa, we need to listen to our technical officials. Sino yung mga ’yan? Municipal engineer, yung mga MPDC, yung ating mga city health officer, under the leadership of the mayor. Malaki ang kanilang magagawa po diyan.”
Sa huli, sinabi ni Dela Cruz na mahalaga ang pagkakaisa ng national at local government hanggang barangay at purok level para mapaghandaan ang inaasahang epekto ng Super El Niño.
“Again, kamukha po ng nakaraang pandemic, kayang-kaya po nating malampasan itong problema sa Super El Niño basta nagkaisa from national to local government, up to barangay or purok level.” — VBL GMA News

