Naging extra special ang oath-taking para sa pagka-arkitekto ng isang couple matapos na lumuhod ang lalaki para mag-propose sa kaniyang nobya sa Philippine International Convention Center sa Pasay.
Sa ulat ng GMA News Feed, itinampok ang video ni Architect Eros Sager ng proposal ng kaibigang si Viel Diaz kay Zayin De Leon.
Mapanonood na nagulat si Zayin sa kaniyang nobyo, nang lumuhod ito at nag-propose na.
Magkakaibigan ang tatlo.
Bago ang oath-taking, sabay naghanda sina Zayin at Viel para sa Licensure Exam for Architects o LEA noong Hunyo 2026. Palagi pa silang magkasamang nanonood ng online review classes.
Hunyo 26 nang lumabas ang resulta ng board exam, at parehong pumasa ang magnobyo.
Magkatrabaho ang tatlong magkakaibigan sa iisang kompanya sa loob ng mahigit dalawang taon.
Na-assign din sila sa parehong construction projects, at naging team leaders kalaunan.
Maikli man ang nasabing panahon para sa ilan, ngunit para kina Zayin at Viel, agad silang nag-click at alam na nilang nahanap na nila ang “the one.”
Kaya sa araw ng kanilang oath-taking ceremony, nagdesisyon si Viel na gawin pang mas espesyal pa ang mahalagang araw at doon na rin mag-propose kay Zayin.
Kinuntsaba ni Viel ang kuya ni Zayin na isang photographer.
Ang kanilang balak, magpapakuha lang sila kunwari ng larawan.
Pero habang nakatalikod na si Zayin, doon na lumuhod si Viel at hiningi ang kamay ng dalaga.
Ikinatuwa ito ng kanilang mga pamilya, na naroon din para suportahan sila.
“It felt unreal. Nag-short circuit ‘yung utak ko. I didn’t know how to react kasi nu’ng una, jino-joke lang namin ‘tong dalawa na ito would be fun and crazy and exhilarating siguro kung sa oath-taking niya gagawin,” ani Zayin.
“Nu’ng una, nahihiya pa ako kasi alam kong maraming nakatingin pero when he asked me the question, everything became a blur. I felt extra special that day, like a main character of my own movie,” pagpapatuloy niya. — Jamil Santos/VBL GMA News
