Nasawi ang isang rider habang sugatan ang kaniyang angkas matapos silang mabangga ng isang truck sa Malabon. Ang magkaangkas, tumatakas umano matapos magnakaw ng bag.

Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang pagharurot ng isang truck sa Barangay Santulan madaling araw nitong Linggo.

Ilang saglit pa, bigla nilang nabundol ang isang motorsiklo sa intersection. Tumilapon ang dalawang lalaking sakay ng motor.

Huminto naman agad ang truck at naglapitan ang mga residente sa dalawang lalaki.

Hindi na nahagip ng CCTV ngunit sinabi ng mga awtoridad na nanghablot ng bag ang riding in tandem na nasalpok bago ang insidente.

“Napagalaman po namin na ‘yung tao, nagsasabi na nanghablot ng bag. Nakipag-coordinate po kami sa pulis,” sabi ni Efremel Francia, BPSO ng Barangay Panghulo, Malabon.

Dinala sila sa ospital pero binawian ng buhay ang nagmamaneho ng motorsiklo nitong Biyernes dahil sa tindi ng pinsala sa katawan. Nakaligtas naman ang kaniyang angkas.

“Masyado pong mabilis, dire-diretso kami sa crossing na may biglang sumulpot na pickup,” sabi ng nakaligtas na suspek.

Sinabi ng biktima na nagpapahinga lang siya sa truck nang makita niyang kinukuha na ng isa sa mga suspek ang kaniyang bag.

“Hinabol ko sila sir, tapos sumalpok sila sa sasakyan. After 30 minutes po sir, hindi ko na mahanap ‘yung bag ko,” sabi ng biktima.

Nabawi ng pulisya ang bag na may cellphone at wallet na may lamang mga ID at P1,500. Pero hindi na umano nabawi ang P100,000 na pera ng biktima.

“Sinabi na ng boss ko, sir, ipa-shoulder mo kahit hindi nila nakuha ‘yung pera, kasi ikaw ang kawawa,” sabi ng biktima.

“Gipit lang po. Pangangailangan lang ang pera,” sabi ng suspek, na nakabilanggo na sa Malabon City Police Station at mahaharap sa reklamong paglabag sa Motorcycle Crime Prevention Act at theft. — Jamil Santos/VBL GMA News