Patay ang isang pulis matapos siyang barilin ng nakatakas na salarin sa Valenzuela City. Pero bago mapaslang ang biktima, nakunan pa ito sa CCTV camera habang may kausap na mga tao sa gilid ng kalsada.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si PO3 Noel Cabanglan, 36-anyos.
Ayon sa Valenzuela police, nagsasagawa umano ng drug operation validation si Cabanglan nang mangyari ang pamamaril.
Sa CCTV footage, makikita pa si Cabanglan na nakasakay sa motorsiklo at may kausap na mga tao sa gilid ng kalsada sa barangay Ugong bago mangyari ang pamamaril.
Maya-maya pa, umalis ang pulis kasama ilang kausap at pumasok sa isang kalye na hindi na nahagip ng camera.
Hindi nakunan ang pamamaril sa biktima pero makikita ang pagtakbo ng mga tao sa lugar na dinaanan ng biktima. -- FRJ, GMA News
