Umaasa ang isang lider ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na agad bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang umiiral na martial law sa Mindanao pagkatapos ng krisis sa Marawi City.
Ipinahayag din ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs (CBCP-PCPA), na umaasa siyang masugpo ng pansamantalang pag-iral ng martial law ang terorismo sa buong rehiyon.
Iginiit din niyang dapat isaalang-alang ng mga pulis at militar ang mga karapatang-pantao at mahalagang tiyakin ng administrasyong Rodrigo Duterte na masugpo ang terorismo sa rehiyon na siyang ginamit na dahilan upang ipatupad ang batas-militar doon.
Dapat tiyakin din umano ni Duterte na walang mangyaring paglabag ng mga karapatang-pantao sa pag-iral ng batas-militar.
Idineklara ni Pangulong Duterte and martial law sa buong Mindanao gabi noong Martes ng salakayin ng mga miyembro ng mga teroristang grupo ang Marawi City.
Hanggang nitong Biyernes ng umaga, mahigit 40 na ang nasawi sa patuloy na bakbakan sa lungsod, 31 sa mga napatay ay umano'y mga terorista ayon sa militar. —LBG, GMA News
