Bugbog ang inabot ng isang lalaking nagpakita umano ng maselang bahagi ng kaniyang katawan sa dalawang batang babae sa San Mateo, Rizal.  Pero kahit ipina-barangay, hindi siya kinasuhan.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ipinakita ang CCTV footage noong Biyernes sa barangay Sta. Ana sa San Mateo, kung saan isang rider na nakakapote ang tila nag-iikot sa lugar.

Sinasabing pakay ng rider ang mga computer shop na may mga batang nakaistambay.

Sa CCTV, nakitang huminto ang rider sa tapat ng isang computer shop at saka umalis. Hindi nagtagal, isang batang babae ang lumabas at hinabol ng tingin ang rider.

Ayon sa barangay, nagsumbong sa kanila ang bata na nagpakita raw at nilaro ng rider ang maselang bahagi ng katawan nito.

Pero lumipat lang pala sa isa pang computer shop na may mga bata ang rider at doon ay ginawa raw uli ang kahalayan.

Ang 10-anyos na batang babae na nasa computer shop, nagawang makapagsumbong kaagad sa kaniyang mga kaanak kaya bugbog ang inabot ng lalaki.

Hanggang sa tanggapan ng barangay, nakatikim pa rin mga mura at suntok ang lalaki.

Nitong Lunes, muling nagharap ang mga ina ng biktima at suspek at nagkasundo na lang silang hindi na itutuloy ang pagsasampa ng reklamo sa rider.

Nakalusot man siya sa kasi, sinabi ng mga opisyal ng barangay na maglalabas sila ng resolusyon para pagbawalan na ang lalaki na magpunta sa kanilang lugar. -- FRJ, GMA News