Itinuturing isa sa may pinakamayamang ecosystem sa Pilipinas ang Ligawasan Marsh na matatagpuan sa Mindanao. Ngunit bukod sa taglay nitong likas-yaman na tahanan ng iba’t ibang hayop at mga halaman, sinasabing may isa pa itong nakatagong yaman sa ilalim—ang langis at natural gas na maaaring tumugon sa hinaharap ngayong krisis ng bansa sa krudo. Totoo kaya? Alamin.

Sa nakaraang episode ng Born To Be Wild, ipinaliwanag ni Dr. Ferds Recio na matatagpuan sa South Central Mindanao ang Ligawasan Marsh na sinasakop ng tatlong lalawigan: ang Sultan Kudarat, Maguindanao at Cotabato.

Isa ang Ligawasan Marsh sa pinakamalaking swamp at marsh area sa bansa na may lawak na abot sa 288,000 hektarya.

Ayon kay Dr. Jerome Montemayor, Executive Director ng ASEAN Centre for Biodiversity, tinitirhan ng mga resident at migratory birds ang Ligawasan Marsh, pati na rin ng ibang mga halaman at iba pang mga hayop.

Maliban sa pagiging tahanan ng iba’t ibang hayop at halaman, isa ring malawak na peatland ecosystem ang Ligawasan Marsh.

“Sinisipsip niya ‘yung carbon at ito ay kaniyang itinatabi para hindi na ito humalo sa greenhouse gases na nasa atmosphere, na nagiging sanhi naman ng climate crisis,” sabi ni Montemayor.

Nagpupunta rin ang mga tao sa Ligawasan Marsh para manghuli ng mga isda gaya ng Tilapia at Taruk.

Sa gitna ng pagtaas ng presyo ng gasolina at pag-aray ng mga tsuper at mga commuter, muling nabubuhay ang interes tungkol sa langis na nakatago umano sa ilalim ng Ligawasan Marsh.

Mula 1916 hanggang 1996, lumabas na ang mga paunang pag-aaral tungkol sa oil and gas sa tinatawag na Cotabato Basin, na sakop din ang Ligawasan Marsh.

“May nakita po tayong gas, natural gas. Kaya lang po hindi po siya commercial at that time, kaya hindi po tayo nakapagpatuloy pa ng ating exploration du’n sa area. 'Yung natural gas, ‘yun po 'yung ginagamit natin para sa power generation,” sabi ni Jaime Bacud, Vice President ng Upstream Operations Division ng PNOG Exploration Corporation.

Taong 1997 nang ideklara ng Department of Energy na “no man's land” o sarado para sa mga tao ang Cotabato Basin dahil sa problema ng seguridad ng lugar.

Dulot ng patuloy na paghahanap ng gas at oil sa mga lugar sa Mindanao, taong 2022 nang magpirmahan ang gobyerno at kompanyang SK Liguasan Oil and Gas Corporation upang muling pag-aralan at hukayin ang Cotabato Basin.

“Hindi pa sila naka-drill ngayon kasi may mga challenges pa ‘yung mga pag-import ang gamit, meron pa rin pong issues dati sa mga permits sa LGUs,” sabi ni Guillermo Ansay, Chief, Petroleum Resources Development Division ng Department of Energy.

Kasama rin ang Ministry of Environment and Natural Resources and Energy o MENRE ng BARMM sa nangangasiwa sa posibleng oil and gas exploration sa Cotabato Basin, partikular na sa North Cotabato at Sultan Kudarat.

Ayon kay Engr. Al-Montazer Mandong, Chief Energy Regulations Officer ng Energy Management and Development Services ng MENRE, naipa-bid na nila ang Cotabato Basin para sa service contract application, kung saan binibigyan ang kompanya ng rights o karapatan na mag-explore ng energy resources at i-develop at i-utilize ang marsh.

Sa poso na malapit sa Ligawasan Marsh, makikitang umaapoy ang tubig kapag sinisindihan, na posibleng senyales ng natural gas seepage na nasa ilalim ng lupa.

“Meron namang estimate. Hindi pa natin nake-claim na reserve kasi kulang pa sa study. Sa oil naman, 'yung undiscovered estimate ay about 70 to 2,443 million barrels of oil,” sabi ni Ansay.

Inihayag naman ni Dr. Annadel Cabanban, Country Manager ng Wetlands International Philippines, ang pangamba posibleng epekto ng exploration sa latian.

“Ngayon meron na nga tayong impacts na kailangan i-manage. Pollution. Tapos kung meron pa tayong exploration in terms of oil or gas, madadagdag ng cause or reason for degradation of the wetlands,” sabi ni Cabanban.

Nagsisilbi rin ang Ligawasan Marsh sa mga natural flood basin ng Mindanao. Kaya kung maaabala ang ecosystem, maaaring magbago ang natural na daluyan ng tubig sa rehiyon at posibleng maapektuhan ang mga nanganganib na species tulad ng Philippine Crocodile.

“Connotation po na laging i-connect 'yung Ligawasan sa Cotabato na exploration. Hindi po ‘yun totoo kasi inilabas po natin 'yung area du’n sa protected area. So wala pong mangyayari na exploration du’n sa Ligawasan Marsh,” paliwanag ni Ansay.

“Meron na kaming predetermined areas ‘yun 'yung area na may mga potential. Tinanggal na namin du’n ‘yung bird sanctuary ‘yung sa Ligawasan Marsh. We make sure na sumusunod sa international standards ‘yung mga potential contractors natin and lahat ng mga policies ng ating environment is make sure din natin na susunod,” paliwanag ni Mandong. – FRJ GMA Integrated News