Lumitaw sa isang pag-aaral na pang-walo ang Pasig River sa pinanggagalingan ng mga basurang plastic sa karagatan sa buong mundo. Nangunguna naman sa listahan ang Yangtze River ng China.
Batay sa pag-aaral na ginawa ng mga dalubhasa sa Netherlands at US, umaabot sa 63,700 toneladang plastic ang itinatapon sa Pasig River kada taon, o katumbas ng bigat ng 10,600 na elepante.
Ngunit kung pagbabasihan ang laki ng catchment surface area, ang Pasig River ang pumapangalawa sa nagtatapon ng malaking bahagi ng plastic sa mga karagatan, na tinatayang 15.65 toneladang plastic kada taon kada square kilometer.
Maging ang pinakamababang produksyon ng basurang plastic sa Pasig river na tinatayang aabot sa 32,100 tonelada kada taon ay itinuturing sa pag-aaral na nakababahala.
Ang naturang pag-aaral na inilathala ng Nature Communications, ay ang pinakaunang pangkalahatang pagtaya sa dami ng basurang plastic sa karagatan sa mundo na nagmumula sa mga river system.
Ang mga naunang pag-aaral ay nakatuon lamang sa mga coastal population o ang dami ng tao na naninirahan na nasa 50 kilometro mula baybayin.
Itinuturing global issue ang problema sa mga basurang plastic na napupunta sa karagatan dahil nakaapekto ito sa mga lamang-dagat, maging sa mga taong dumedepende sa karagatan ang ikinabubuhay.
Madalas napagkakamalan din ng ilang hayop tulad ng mga isda, ibon at pawikan na pagkain ang plastic na nagreresulta ng kanilang pagkamatay.
Ang iba pang pinagmumulan ng basurang plastic sa dagat ay ang aquaculture, shipping, pangingisda, kalat sa mga beach, mga itinatapon sa mga ilog o tinatangay ng hangin.
Ngunit itinuturing pa rin na pinakamalaking pinagmumulan ng basura sa dagat ang mga plastic na galing sa kalupaan.
Sa pag-aaral, tinatayang 86 porsiyento ng pangkalahatang plastic input sa mga karagatan ay galing sa mga ilog sa Asya.
Nangunguna sa listahan ng pinagmumulan ng basurang plastic sa mundo ang Yangtze River sa China, at sinundan ng Ganges River sa India.
Kasama rin sa top 10 ang mga ilog ng Xi (China), Huangpu (China), Cross (Nigeria), Brantas (Indonesia), Amazon (Brazil, Peru, Columbia, Ecuador), Pasig (Philippines), Irrawaddy (Myanmar), at Solo (Indonesia). -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
